151 total views
Maituturing na patronage politics ang umiiral sa pamahalaan kung pagbabatayan ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kayang dahilan sa pagtatalaga sa ilang mga personalidad na sumuporta sa kanya noong halalan para magkaroon ng posisyon sa pamahalaan.
Ayon kay Professor Roland Simbulan, Vice-Chairman ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG) sa kabila ng karapatan ni Pangulong Duterte bilang Pangulo na magtalaga ng mga opisyal na maglilingkod sa iba’t ibang sangay o kagawaran ng pamahalaan ay hindi naman nararapat ibatay sa utang na loob.
Paliwanag pa ni Simbulan sa halip ay dapat pag-aralan at ibatay ito sa kakayahan, kahandaan at kaalaman ng mga ito sa mga posisyon sa pamahalaan kung saan itatalaga.
“Prerogative niya yun kasi he has the appointing power pero ang dapat na maging batayan yung competence at track record nung tao lalo na dun sa posisyon na yun, kahandaan niya, preparation pa niya at background niya doon sa posisyon na yun, kung utang na loob ang pinag-uusapan lalo na sa kampanya parang patronage, yun yung patronage politics yun kasi kung ang binibigyan mong pabor yung mga sumuporta sayo, hindi maganda yun kasi dapat ang basis ay competence…” ang bahagi ng pahayag ni Simbulan.
Ayon pa kay Simbulan, kung ang tanging pagbabatayan lamang sa pagtatalaga ng mga opisyal ng bayan ay ang mga sumuporta sa isang kandidato noong panahon ng halalan, tanging ang mga mayayaman at mga negosyante lamang ang may opurtunidad na magkaroon ng posisyon dahil sa lawak ng makinarya ng mga ito na tumulong sa panahon ng kampanya.
Batay sa tala ng Office of the President, binubuo ng nasa 46 ang bilang ng Regular Cabinet Members ang Administrasyong Duterte bukod pa sa mga Cabinet-Rank Officials ng Administrasyon.
Bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan sa pulitika ang seryoso at kawalan ng sariling interes ng bawat opisyal sa posisyon at kapangyarihan upang mapaglingkuran ang taumbayan ng tapat at dalisay.