359 total views
Iniulat ni National Vaccination Operations Center Chairperson and Health Undersecretary Myrna Cabotaje na naging maganda ang simula ng pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine para sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Ayon kay Cabotaje, aabot na sa higit 3,400 ang bilang ng mga kabataang nabigyan ng bakuna batay sa huling tala nitong Oktubre 19 mula sa walong ospital sa Metro Manila.
“Maganda naman ang ating turn-out. As of October 19, may nabakunahan nang 3,416 na mga bata sa walong ospital na pinagsimulan ng ating pagbabakuna ng 12-17 years old,” bahagi ng pahayag ni Cabotaje sa panayam sa programang Veritas Pilipinas.
Pagbabahagi ni Cabotaje na sa mga ospital muna unang isinasagawa ang pagbabakuna para sa mga kabataan upang matiyak na ligtas ito at nang sa gayon ay mabantayan ang kondisyon matapos matanggap ang bakuna.
Matatandaang noong taong 2016 nang nagkaroon ng pangamba ang mga tao dahil sa naging epekto ng Dengvaxia vaccine laban sa Dengue na naging sanhi ng pagkasawi ng ilang mga kabataang nabakunahan nito.
Ito rin ang dahilan kaya magpahanggang ngayon, marami pa ring hindi nagpapabakuna laban sa COVID-19 dahil naman sa maaaring maging masamang epekto nito sa katawan ng tao.
“Alam naman natin in the past, di ba? May hindi tayo magandang karanasan sa isang bakuna na in-introduce natin. So, gusto natin na medyo controlled ‘yung ating environment sa ospital. Nandyan ‘yung pediatrician para makita kung ano pa ‘yung kailangan na mga hakbang na gawin para mas mapabuti at makarespond kaagad kung may mga side effects sa pagbabakuna,” ayon kay Cabotaje.
Sa ngayon, ang COVID-19 vaccine mula sa Pfizer at Moderna pa lamang ang nakatanggap ng Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Philippine Food and Drug Administration (FDA) upang maipamahagi para sa mga kabataan.
Oktubre 15 nang simulan ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa mga kabataan at nilalayong unahin ang nasa 1.2-milyong kabataang mayroong pre-existing conditions o comorbidities.