173 total views
Nakatuon ngayon sa mga kabataan ang vaccination program ng Quezon City government at simbahan para sa patuloy na paglaban sa COVID-19.
Ayon kay Father Harvey Bagos, vaccine coordinator ng San Bartolome de Novaliches Parish na pansamantala munang itinigil ang pagbabakuna para sa mga may edad 18 taong gulang pataas upang bigyang daan ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa mga kabataang nasa edad-12 hanggang 17 taong gulang.
Paliwanag ng pari, na siya ring director ng Novaliches Diocesan Youth Ministry na layunin ngayon ng pamahalaang lungsod na mabakunahan ang nasa 80-porsyento ng populasyon ng mga kabataan sa Quezon City.
“Ang sabi ng [Quezon City] Government, walang binabakunahang matanda ngayon. Ang lahat puro bata, kasi ang target nila is 80-percent of the pedia, 12 to 17 years old, ang babakunahan sa buong bansa. So, partly ang Quezon City ganun din ang target,” bahagi ng pahayag ni Fr. Bagos sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Bagos umabot na sa humigit-kumulang 3,000-kabataan ang nabakunahan sa pamamagitan ng Diocese of Novaliches katuwang ang Quezon City LGU.
“So for almost two weeks, siguro mga nasa 3,000 na kami. Mga pedia yun ha… Dalawang area lang naman ang pinaka-concern natin ngayon e – ang [Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd] at tsaka [San Bartolome de Novaliches Parish], sa Quezon City area ‘yan,” saad ng pari.
Samantala, giit naman ng pari na bagamat mayroong pag-aalinlangan ang ilan sa mga magulang bunsod ng epekto ng bakuna, ang mga kabataan na rin ang mismong nagpapahayag ng kanilang kagustuhang makatanggap ng COVID-19 vaccine.
Nabanggit din ni Fr. Bagos na naghahanda na ang Roman Catholic Bishop of Novaliches Educational System, Inc. (RCBNES) para sa limited face-to-face classes sa mga paaralan.
Hinihikayat ng RCBNES ang mga magulang na pabakunahan na ang mga anak nang sa gayon ay matiyak ang karagdagang proteksyon laban sa virus.
Nobyembre 15, 2021 nang simulan sa bansa ang pilot at limited face-to-face classes sa may 100-pampubliko at 20-pampribadong paaralan sa mga lugar na maituturing na low-risk areas mula sa banta ng COVID-19.