1,173 total views
Iginiit ng Healthcare Commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang patuloy na pagpapalaganap ng vaccine confidence sa bawat pamayanan.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care executive secretary Fr. Dan Cancino, MI, ang pagsisikap na maipaliwanag sa publiko ang kahalagahan ng bakuna ay makatutulong para sa kaligtasan laban sa mga nakahahawang karamdaman tulad ng coronavirus disease.
“Tuloy pa rin tayo sa pagpapalaganap ng confidence sa vaccination. Kasi hindi naman natin alam kung ano ang kahihinatnan natin sa mga nangyayari lalo na sa kalusugan ng mamamayan.” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy ni Fr. Cancino ang COVID-19 vaccination campaign ng pamahalaan na nagpapatuloy upang mabigyan ng karagdagang proteksyon ang publiko mula sa virus.
Sinabi ng pari na hindi pa rin naaabot ng ilang lugar sa bansa ang target population na mababakunahan laban sa virus dahil sa kakulangan sa information dissemination, gayundin ang pagiging kampante ng publiko dahil sa pagbaba ng mga naitatalang kaso.
Paliwanag ni Fr. Cancino na naitatala ang mababang kasong virus dahil sa tulong ng mga bakuna kaya mas mababawasan pa ito kung makikibahagi ang mamamayan sa kampanya ng pamahalaan.
“Sabihin na rin natin na bumababa ang kaso ng COVID-19 pero meron pa ring kaso, at ang mga naaapektuhan nito ay ang vulnerable groups. Meron pa ring namamatay dahil sa COVID pero hindi na katulad dati. Siguro mayroong ibang complications, comorbidities, at hindi maiiwasan ‘yun. Kaya may mga paraan tayo na pwedeng gawin. Kaya let’s take advantage na kunin ang paraan na ito,” ayon kay Fr. Cancino.
Nito lamang Hunyo ay nagsimula nang mamamahagi ng COVID-19 bivalent vaccines ang Department of Health para sa priority groups na kinabibilangan ng healthcare workers at senior citizens.
Sa kasalukuyan, nasa 391-libong doses ng Cominarty Pfizer-BioNtech-adapted bivalent vaccines ang natanggap ng DOH mula sa Lithuanian Government noong Hunyo 3.
Ipapamahagi ito bilang ikatlong booster dose sa priority groups na nakatanggap na ng second booster shot apat hanggang anim na buwan na ang nakalipas.
Sa huling tala, nasa halos 180-milyong COVID-19 vaccine doses na ang naipamahagi ng DOH mula nang simulan ang vaccination campaign noong 2021.