172 total views
Sisimulan na ng Department of Health ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine para sa mga kabataan sa buong bansa ngayong Nobyembre 3.
Ito’y bahagi ng pinalawig na vaccination program ng pamahalaan para sa patuloy na kaligtasan ng bansa laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang bakuna mula sa Pfizer at Moderna pa rin ang ipapamahagi sa mga kabataan mula 12 hanggang 17 taong gulang.
Sang-ayon pa rin ito sa pahintulot ng Philippine Food and Drug Administration para sa emergency use authorization ng nasabing brands ng COVID-19 vaccine.
“Pfizer and Moderna vaccines will still be used among children during the nationwide rollout. Further details and the guidelines with regard to the nationwide expansion of pediatric vaccination will be released once finalized,” ayon kay Vergeire.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority, nasa 12.7 milyon ang kabuuang populasyon ng mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Sa tala naman nitong Oktubre 26, aabot na sa humigit kumulang 19,000 menor de edad na mayroong comorbidities ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa unang bahagi ng pediatric vaccination sa mga piling ospital sa Metro Manila.
Samantala, patuloy pa ring hinihikayat ng simbahan at pamahalaan ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 upang tuluyan nang malunasan ang umiiral na krisis sa lipunan.