549 total views
Nagpapasalamat ang anchor priest ng Radio Veritas na si Fr. Douglas Badong sa itinuturing niyang ikalawang buhay makaraan masangkot sa aksidente sa Cavite.
Ang minamanehong sasakyan (Innova) ni Fr. Badong ay kabilang sa 10-sasakyan na labis na napinsala nang ‘suyurin’ ng truck na nawalan ng preno sa kahabaan ng Silang Cavite.
“Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos, Poong Nazareno. Ito pala yung tinatawag nilang second life, miracle. Miracle, talaga kasi mga sasakyan lang ang nadamage at hindi ang mga tao,” ayon kay Fr. Badong.
Ayon pa kay Fr. Badong, ipinagpapasalamat niya sa Poong Nazareno ang kanilang kaligtasan, lalo’t walang naitalang nasawi sa naganap na aksidente.
“Himala talaga na buhay kami lahat, kahit na kuping-kupi na ang mga sasakyan, ang lakas talaga ng impact na yung feeling mo ay inuuga ka,” ayon kay Fr. Badong.
Ang pari ay galing ng Batulao, Batangas para magkasal at papauwi na ng Maynila nang maganap ang insidente.
Si Fr. Badong ay ang parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church at anchor priest ng programang Barangay Simbayanan Wednesday edition ng Radio Veritas.
Paalala rin ng pari sa lahat ng motorista nang ibayong pag-iingat sa pagmamaneho at pagtiyak na nasa maayos na kundisyon ang ginagamit na sasakyan.