284 total views
Ipinagdiwang ng mga Katolikong Filipinong kabataan ang Buhay ng Panginoong Hesukristo sa ikatlong araw ng National Youth Day sa Cebu.
Sa unang bahagi, ginunita ng mga kabataan ang paghihirap ni Hesus patungo sa kalbaryo bilang pagbabalik tanaw kung paano napagtagumpayan ang kamatayan.
Agad naman itong sinundan ng pagsadula sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, mga pagninilay, pananalangin at mga awiting pagpupuri sa Diyos.
Ipinakikita rin dito ang mga trahedyang dumaan sa bansa na labis umaapekto sa mga Filipino subalit tulad nang Muling Pagkabuhay ni Hesus, bumangon ang mga biktima dala ang bagong pag-asa kaisa ang buong sambayanan.
Ang Via Lucis ay pagdiriwang sa Muling Pagkabuhay ni Hesus kung saan itinampok dito ang labing apat na kaganapan ni Hesus nang ito’y nabuhay at muling naglakbay kasama ang Kanyang mga alagad.
Bukod dito, nagkaroon din ng pagtalakay ang mga kabataan sa Youth Matters kung saan ipinaliwanag at hinamon ng mga panauhing tagapagsalita ang mahigit isanlibong kabataan sa International Eucharistic Congress Pavillion na maglingkod sa Simbahang Katolika at maging aktibong kasapi sa bawat komunidad na kinabibilangan.
Sa ikatlong araw ng National Youth Day 2019 ay ginanap ang mga gawain sa 9 na mga festival sites sa buong Arkidiyosesis ng Cebu.
Buong puso naman na nakikiisa ang mga kabataang delegado at nakikisalamuha sa kapwa delegado na mula sa ibang mga Diyosesis.