388 total views
Nagpahayag ng pakikibahagi sa paggunita ng Semana Santa ng mga Katoliko at Simbahang Katolika si Vice President Leni Robredo.
Sa mensahe ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang video message ay ibinahagi nito ang kahalagahan ng pananampalataya na mapagkukunan ng pag-asa sa kinahaharap na krisis ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Robredo, ang paggunita sa Mahal na Araw ay isang napapanahong paalala sa pag-asa at pangakong kaligtasang ng Panginoon sa bawat isa.
“Sa panahon ngayon ng krisis at pangamba, ng maraming banta sa ating kaligtasan at paraan ng pamumuhay para bang napakahirap makahanap ng mapagkukunan ng pag-asa. Pero pinapaalala sa atin ng mga Mahal na Araw na nakatahi mismo sa pagkatao natin ang pag-asa.” ayon kay Vice President Leni Robredo.
Umaasa naman si Robredo na maging makabuluhan ang paggunita ng bawat isa ng Mahal na Araw sa kabila ng muling pagpapatupad ng Enhance Community Quarantine sa tinaguriang NCR Plus Bubble na binubuo ng mga syudad mula sa National Capital Region, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Ipinaliwanag ni Robredo na isang pagkakataon din ito upang makapagpahinga at makapagnilay mula sa mga kaguluhan at kawalan ng katiyakan ngayong panahon ng pandemya.
Inihayag ng Bise Presidente na dapat ring ituring na isang hamon ang pagharap sa krisis na dulot ng COVID-19 upang higit pang lawakan ng bawat isa ang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa kapwa gayundin ang pagbabahagi ng mga naaangkop na impormasyon at pagbabantay sa epektibong pamamalakad ng pamahalaan.
“In this time of pandemic, love means doing everything we can to protect the person next to us from infection. It means spreading correct information about the virus and the vaccines. It means calling for effective pandemic governance. It means helping those in need, and orienting our thoughts actions towards the other. It means that the truth that binds us all is upheld.” Dagdag pa ni Robredo.
Sa pangalawang pagkakataon mula ng lumaganap ang COVID-19 noong nakalipas na taon ay muling isinailalim ng pamahalaan ang malaking bahagi ng bansa sa lockdown na muling nataon sa paggunita ng Simbahang Katolika sa Semana Santa.