410 total views
Sinisikap ng Diyosesis ng Imus na paigtingin ang kamalayan ng publiko kaugnay sa operasyon ng seabed quarrying sa baybayin ng Cavite.
Ayon kay Bishop Reynaldo Evangelista, naglabas na ng video campaign ang Ministri sa Kalikasan ng diyosesis na naglalaman ng iba’t ibang impormasyon upang ipaliwanag ang masamang epekto ng seabed quarrying sa lalawigan.
Ipapalabas ang video sa mga parokya bago magsimula ang mga misa at pagtitipon upang maunawaan ng mamamayan ang kinakaharap na pagsubok ng diyosesis sa tungkuling panatilihin at pangalagaan ang mga likas na yaman laban sa mga mapaminsalang proyekto.
“Malinaw sa mga kaparian ng Diyosesis ng Imus ang ating layuning pigilan ang seabed quarrying dito sa Cavite. Sa ngayon, ine-educate natin ang mga tao tungkol sa magiging negative effects nito para malaman din nila ang magiging consequence nito sa mga tao lalo na sa mga community na mula sa dagat ang kabuhayan,” pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna nang inihayag ni Bishop Evangelista na magsasagawa rin ng signature campaign ang diyosesis bilang bahagi ng pagsisikap na labanan at pigilan ang quarrying operations sa lalawigan.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P500-milyon at may lawak na higit sa 8,000 ektarya na pagpapalawig sa San Nicolas Shoal Seabed Quarrying Project ng VIL Mines, Inc. sa baybayin ng Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, at Ternate, Cavite.
Ang San Nicolas Shoal ay isang sand bar o sand barrier na nagsisilbing proteksyon ng mga komunidad malapit sa dalampasigan laban sa malalakas na alon at pagtaas ng tubig.
Iginiit ni Bishop Evangelista na kapag nagpatuloy ang seabed quarrying, tuluyan nang masisira ang tahanan ng iba’t ibang yamang dagat, na magdudulot naman ng kawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda.