1,795 total views
Walang kabutihang maidudulot ang karahasan sa lipunan, bagkus ay ang lalong pagiging mailap ng kapayapaan.
Ito ang mensahe ng Santo Papa Francisco sa Angelus na ginanap sa St. Peter’s Square sa Vatican hinggil sa lumalalang gulo sa pagitan ng mga bansa tulad ng Palestine, Israel, Ukraine, at Russia.
Iginiit ni Pope Francis kawalang pag-asa at pagkawatak-watak nang pamayanan ang tuwinang bunga ng digmaan na higit na nakakaapekto sa kabataan.
“Violence kills the future, breaking the lives of the youngest and weakening the hopes for peace.” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Kinundena rin ng santo papa ang pang-atake sa Jerusalem noong nakalipas na linggo na ikinasawi ng batang Israeli habang marami ang nasugatan sa insidente.
Dalangin ng pinunong pastol ng simbahang katolika ang katatagan ng mga magulang at pamilya ng bawat nasasawi dulot ng karahasan sa bawat pamayanan.
Umaasa si Pope Francis na isulong ng bawat bansa ang daan ng pakikipag-usap tungo sa mapayapang paglutas ng hidwaan.
“I hope that the Israeli and Palestinian authorities will be more concerned with the search for dialogue, building mutual trust, without which there will never be a peace solution in the Holy Land.” giit ng santo papa.
Batay sa pag-aaral ng Watson Institute, Brown University na pinamagatang ‘Costs of War’ noong September 2021 halos 400, 000 sibilyan ang napaslang sa Iraq, Afghanistan, Yemen, Syria, at Pakistan matapos ang pang-atake sa Amerika noong September 11, 2001.
Apela ni Pope Francis sa mananampalataya na magbuklod sa pananalangin upang makamtam ng buong daigdig ang kapayapaang tinatamasa ng bawat isa at magtulungang isulong ang diyalogo sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, pananaw, at kulturang kinaaniban.