83,636 total views
Mga Kapanalig, parang eksena sa pinagbibidahan niyang pelikula ang pananabón ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr kay MMDA Task Force Special Operations Unit head Edison “Bong” Nebrija.
Nangyari ito nang pumunta si Nebrija at si acting MMDA Chairman Romando Artes sa Senado upang humingi ng tawad sa senador. Sinabi kasi ni Nebrija, batay sa impormasyong ipinarating sa kanya, na convoy ni Senador Revilla ang naharang ng mga tauhan ng MMDA sa EDSA Bus Carousel sa bahagi ng Mandaluyong halos dalawang linggo na ang nakalipas. Nang malaman nilang convoy ng senador ang dumaan, hinayaan nila itong gamitin ang bus carousel at hindi pinagmulta. VIP treatment, kumbaga.
Tinanggap ng senador ang pagso-sorry ni Nebrija at idiniing hindi siya masisisi sa kanyang reaksyon sa aniya’y “maling paratang” laban sa kanya. Inulan kasi si Senador Revilla ng maraming batikos. Dahil sa insidente, suspendido ang opisyal ng MMDA habang nagsasagawa ang ahensya ng imbestigasyon.
Ang EDSA Bus Carousel ay inilagay upang mabilis na makapaglakbay ang maraming tao, hindi lamang iisang taong sakay ng isang sasakyan. Terible kasi ang trapiko sa EDSA at isa ang bus carousel sa mga paraan upang maginhawang makapag-commute ang mga ordinaryong mananakay papunta at paalis sa kanilang destinasyon gamit ang pinakaabaláng highway sa Metro Manila. Pinapayagan ding dumaan sa bus carousel ang mga ambulansya, trak ng bumbero, at marked government vehicles na tumutugon sa emergency.
Ngunit simula noong isang Lunes, pinayagan na ng MMDA na gamitin ang EDSA Bus Carousel ng limang pinakamataas na opsiyal ng pamahalaan: ang presidente, bise presidente, Senate President, House Speaker, at Chief Justice. Ito raw ay para tulungan sila sa pagganap nila ng kanilang tungkulin. Inaprubahan ng Department of Transportation ang rekomendasyong ito ng MMDA isang araw matapos ang insidenteng kinasangkutan ng convoy diumano ni Senador Revilla.
Sa isang editoryal, tinalakay natin ang pagbabalik ng tinatawag na “wang-wang mentality” sa gobyerno. Pinag-usapan natin doon ang tungkol sa VIP na tumawid ng Commonwealth Avenue kaya kailangang pahintuin ng mga pulis ang trapiko sa lugar. Hanggang ngayon, hindi pa rin nalalaman ng publiko kung sino ang VIP na iyon. Halimbawa ito ng wang-wang mentality. Ngayon naman, ang VIP treatment sa EDSA bus carousel ay nagbibigay-daan na rin sa pag-iral muli ng wang-wang mentality.
Mahalaga ang trabahong ginagawa ng mga nasa gobyerno at mahalaga rin ang oras nila. Wala tayong pagtatalo tungkol dito—bagamat maganda ring malaman kung paano nila ginagamit ang oras nila sa totoong trabaho. Ngunit ang gamitin itong dahilan upang bigyan sila ng VIP treatment at maabala ang taumbayang dapat nilang pinaglilingkuran ay hindi naman yata patas sa mas nakararami, lalo na kung abala ang maidudulot nito sa iba. Kung tutuusin din, ang pagkakaroon ng VIP treatment sa mga lansangan ay patunay ng kabiguan ng gobyernong ayusin ang sistema ng transportasyon lalo na sa mga lungsod. Isang lane na nga lang ng EDSA ang ibinibigay sa mga gumagamit ng bus, ipapagamit pa sa mga VIP.
Mga Kapanalig, malalim ang kultura ng VIP treatment hindi lamang sa gobyerno kundi sa maraming larangan, maging sa Simbahan. Nakaugat ito sa maling pananaw natin sa kapangyarihan, lalo na ng mga nasa pamahalaan. Kapag umiiral ang VIP treatment at inaabuso ito, hindi ginagamit ang kapangyarihan para sa kabutihang panlahat o common good, isang mahalagang prinsipyo sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Ang sama-samang pagkilos upang makamit ang common good ay nakabatay sa paalala ni San Pablo sa 1 Corinto 12:26: “Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.” Kung hahayaan nating laging may VIP treatment lalo na para sa mga sumumpang maging lingkod-bayan, napararangalan at nagagalak ba ang lahat?
Sumainyo ang katotohanan.