492 total views
Tutol ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa isinusulong na virtual wedding ng Kongreso bilang tugon sa banta ng pandemya.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ito ay tila pagpapababa ng kahalagahan at kasagraduhan ng kasal.
“I don’t think it’s going to be beneficial to people yung virtual wedding. It’s not going to be beneficial. I think you reduce, minimize the meaning, the celebration, the dignity and then the sanctity of marriage itself. And not thinking of the culture that we have reunion ‘yan, fiesta ‘yan. And then the law, you undermine the law that exist today na safeguard ito para mapanatili nga natin yung dignidad ng kasal,” ayon sa paliwanag ni Fr. Secillano sa kanyang programang ‘Veritasan’ sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng pari, hindi rin ito naayon sa kultura ng Pilipinas lalu’t ang pagdiriwang ng kasal ay isang mahalagang okasyon ng pamilya sa pagsasama-sama.
Paliwanag pa ni Fr. Secillano, hindi naman panghabang buhay ang pandemya para magkaroon ng batas sa pagpapakasal ng online.
Ang virtual wedding act ay kabilang sa mga tinalakay sa video conference ng House Committee on Revision of Laws at iba pang usapin sa pag-amyenda ng Executive Order 209 o ang Family Code of the Philippines.
Hunyo noong nakalipas na taon nang ipanukala ang Virtual Marriage Act ni Kabayan Party-list Representative Ron Salo. Sa ulat ang panukala ay nag-ugat dahil sa mga kasalang hindi natuloy dahil sa banta ng pandemya at pag-iral ng community quarantines sa buong bansa na nagbabawal sa maramihang pagtitipon. Duda rin ang pari na papayagan ang pagsusumite ng requirements at interview ng kasal sa pamamagitan ng service providers at zoom meeting “If you are going to do all these applications and submission of papers in person, bakit ang pinakamahalaga sa pagdiriwang hindi mo gawin in person din,” ayon pa kay Fr. Secillano.
Sa Lunes-February 15, ipatutupad na ng pamahalaan ang pagpapahintulot sa 50-porsiyento ng kapasidad ng simbahan sa mga pagdiriwang sa parokya sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine kabilang na sa National Capital Region.