3,599 total views
Pinuri ng mga kaparian sa Visayas Region na naapektuhan ng bagyong Odette ang paglalaan ng oras at talento ng ilang mga mang-aawit at kilalang personalidad para makalikom ng pondo sa isasagawang church rehabilitation project ng Caritas Manila.
Sa isinagawang press conference ng PADAYON o Pag-asa at Damayan sa Pag-ahon online concert 2022, inihayag ng kinatawan ng mga Diyosesis sa Southern Leyte at Negros Oriental ang kanilang kagalakan sa inisyatibo ng Caritas Manila at Viva Live Inc. kung saan magtatanghal ang ilang mang-aawit para sa pagpapatayo ng mga nasirang simbahan ng bagyong Odette.
Ayon kay Rev. Fr. Harlem Gozo, Social Action Director ng Diocese of Maasin, nagpapasalamat sila sa pagbabahagi ng mga mang-aawit ng kanilang talento para itulong sa Simbahan.
Naniniwala si Fr. Gozo na dahil sa malasakit ng mga personalidad na makikibahagi sa online concert ay mas malawak ang maaabot ng Simbahan lalo na para sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga naapektuhan ng kalamidad.
“[They] are the best influencers that we have in this noble undertaking the PADAYON, congratulations for coming up this project and with your help we can do so much, we can do great things and build better churches and better communities for the Lord,” pahayag ni Fr. Gozo.
Ganito rin ang naging damdamin ni Rev. Fr. Hendrix Alar ang OIC ng Odette Response Unit ng Diocese of Dumaguete.
Sinabi ni Fr. Alar na ang adhikaing ito ng Viva at Caritas Manila ay makakatulong upang magbigay ng pag-asa para sa kanilang mga kababayan.
“We are very happy na ang Caritas Manila ay nag-organize po ng concert [PADAYON] for this purpose of restoring or patayuin ‘yung mga chapels natin, ‘yung churches natin and in building this you are also building a community fully hopeful with the strength of Christ,” ani pa ng Pari.
Isasagawa ang PADAYON Online Concert sa ika-25 ng Marso taong 2022 kung saan kasama sa mga magtatanghal ay ang pop star princess na si Sarah Geronimo at iba pang mga celebrities mula sa Viva Inc.
Nagkakahalaga ang ticket mula sa P1,000 hanggang P5,000 at ang malilikom dito ay ilalaan ng Caritas Manila para maipakumpuni ang mga nasirang simbahan sa 10 diyosesis ng naapektuhan ng bagyong Odette noong Disyembre ng taong 2021.