552 total views
Wala sa makina o teknolohiya ang problema sa nakalipas na halalan sa halip ay nasa talamak na vote buying sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni Outgoing Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) chairman Myla Villanueva kaugnay sa naging pagsusuri ng PPCRV sa nakalipas na 2022 National and Local Elections.
Ayon kay Villanueva, saksi ang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa halalan sa iba’t-ibang pagsusuring ginawa upang matiyak ang accuracy ng mga ginamit na makina at teknolohiya kung saan walang makikita na anumang pruweba ng dayaan.
Ibinahagi ni Villanueva na bago pa magsimula ang bilangan at mismong halalan ay marami ng natanggap na ulat ang PPCRV kaugnay sa talamak na vote buying sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
“Ang problema po ay hindi nasa teknolohiya or sa makina. Masasagot ko po na talagang ang dami nating ginawang paraan masuri ang mga datos ng makina, wala po talagang nakikitang pruweba na may dayaan. Masasabi kong malinis po ang pagbilang ngunit napakadami pong mga reports bago pa man bilangin ang ating mga boto ng vote buying.”pahayag ni Villanueva sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Villanueva na bagamat nabilang ng tama o walang ebidensya ng dayaan noong nakalipas na halalan ay hindi naman dapat na ipagsawalang bahala ang napakalaking problema ng patuloy na vote buying sa bansa.
Iginiit ni Villanueva na dapat na matugunan at masolusyunan ang talamak na bilihan at bentahan ng boto tuwing halalan sa bansa kung saan nakasalalay ang kinabukasan at kapakanan ng bayan.
Ayon kay Villanueva, bukod sa pagdarasal ay mahalaga rin ang magagawa ng Simbahan upang hubugin at gabayan ang moralidad ng bawat botante upang maiwasan ang vote buying tuwing halalan.
“So hindi ko po masasabi na ganun lang na tatanggapin na natin na dahil nabilang ng tama ay hindi na natin pansinin ang vote buying, napakalaking problema po mas lalo po sa ang dami pong mga bagong botante na kabataan na first time voters. So nakakalungkot, ngunit yan ay pwede pa naman nating tugunan lalo sa Simbahan, mga values natin, pagdadasal importante po sa bawat halalan, kailangan po talaga natin bigyan ng pansin ang vote buying.” Dagdag pa ni Villanueva.
Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia sa tanong kung paano ikukumpara ang eleksyon 2022 sa nakalipas na eleksyon noong 2016, lumabas na generally positive ang pagtingin ng publiko sa nakalipas na 2022 National and Local Elections kung saan 39% ang nagsabing mas kaunti ang dayaan ngayon kumpara sa nakaraang halalan, 5% ang nagsabing dumami ang kaso ng dayaan at 33% ang hindi makapagsabi kung nagkaroon ng dayaan.
Sa hiwalay namang survey ng Pulse Asia kung saan tinanong kung gaano kalaki o kaliit ang pagtitiwala ng publiko sa resulta ng nakalipas na eleksyon 2022, 82% ang nagsabing malaki ang tiwala nila habang ang 4% naman ang maliit ang tiwala sa resulta ng halalan.