274 total views
Ang pagbibenta ng boto ay maituturing na pagbibenta sa integridad, dignidad at kaluluwa ng isang tao.
Ito ang ibinahagi ni Sr. Zeny Cabrera, Program Coordinator ng Restorative Justice Prison Ministry ng Caritas Manila sa nalalapit na halalan.
Kaugnay nito, inamin rin ng Madre na maging sa loob ng mga piitan ay mayroon ding suhulan o vote buying tuwing sasapit ang eleksyon.
“Hindi lang sa loob ano, maski sa labas may Vote Buying pero ito nga ang dapat pagtulong tulungan natin na hindi dapat mangyari, kasi kapag-ipinagbili ang iyong boto parang ipinagbili mo ang iyong kaluluwa nawawalan ka ng integridad, dignidad bilang tao kasi yung iyong pagiging makasarili, pag-ipinagbili mo ang iyong boto, ipinagbili mo ang iyong karangalan…” pahayag ni Sister Cabrera sa Radio Veritas.
Inihayag ni Sr. Cabrera na mahalagang linisin at hubugin ang kalooban ng bawat tao mapa-bilanggo man o ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng paninindigan sa pagsusulong ng mga tama at karapat dapat sa lipunan.
Kaugnay nga nito, patuloy rin ang kampanya ng Simbahang Katolika sa Huwag Kang Magnakaw Campaign batay sa Ika-Pitong Utos ng Panginoon, kung saan maituturing na pagnanakaw sa dangal at kalayaan ng bayan ang pagbebenta ng boto sa mga makasariing kandidato.
Samantala, batay sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) tinatayang umabot sa 42,252 ang bilang ng mga bilanggo na mayroon paring karapatan at pagkakataong makilahok sa halalan.=