534 total views
Aktibo ang isinasagawang programa ng Diyosesis ng Malolos upang gabayan ang mga mananampalataya para sa paghahanda sa nakatakdang halalan bansa.
Ayon kay Malolos Bishop Dennis Villarojo, bahagi ng misyon ng mga pastol ng Simbahan na gabayan ang bawat botante na maging responsable tungo sa ganap na pagpapaunlad at pagpapaangat sa buhay ng bawat Pilipino.
Inihayag ng Obispo na ito ang layunin ng binuong module ng Commission on Social Action ng diyosesis na pinangungunahan ni Rev. Fr. Efren Basco na may temang “Paghubog tungo sa isang makatarungan at mas makataong lipunan” para sa nakatakdang halalan.
“Hinahangad namin bilang inyong mga pastol ng ating Simbahan na ang kawang ipinagkatiwala sa amin ay aming samahan sa paglalakbay upang pakinggan, alagaan, mapaunlad at maingat na maihatid sa buhay na ganap at kasiya-siya. Kaya ang ating Commission on Social Action sa pangunguna ni Fr. Efren Basco ay nagsagawa at bumuo ng isang module para sa darating na National and Local Elections na may temang “Paghubog tungo sa isang makatarungan at mas makataong lipunan,” pahayag ni Bishop Villarojo.
Ipinaliwanag ni Bishop Villarojo na mahalaga ang pagsisilbing gabay ng Simbahan sa bawat botante para sa wasto at matalinong pagpili at pagsusuri ng mga ihahalal sa darating na halalan.
Iginiit ng Obispo na sa pamamagitan ng gabay ng mga turo ng Simbahan ay maiiwasan ng mga botante na malinlang ng mga kasinungalingan at pagkukunwari ng mga kandidato.
“Layunin nito na ipakita sa atin kung papaanong nananawagan ang Diyos na makilakbay at pangunahan tayo ng Simbahan upang timbangin at hasain ang ating wastong pagpili ayon sa turo ng Diyos at hindi ayon sa mapanlilang na masasamang lingkod ng ating lipunan na ang tanging iniisip ay ang kanilang kasaganahan at hindi upang hilutin, pagalingin at alagaan ang bayang ipinagkatiwala sa kanila,” dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Ipinaalala pa ng Obispo ang kahalagahan ng sama-samang pananalangin at pagkilos upang biyayaan ng Panginoon ang bayan ng mga pinuno na tunay na isasantabi ang pansariling interes upang unahin ang kapakanan ng kanyang kapwa.
Pinangungunahan ng iba’t ibang kumisyon ng Diyosesis ng Malolos ang mga programa upang gabayan ang mga botante kabilang na ang Commission on Social Communications na nangangasiwa sa Voters’ Discernment Campaign na may titulong Saan Tayo? – Si Jesus ang susundan, aking paninindigan; Diocesan Commission on Youth na nangangasiwa sa Voters’ Youth Empowerment na tinaguriang May Bilang Ka! Kabataan, May Bilang Ka! ; at Commission on Social Action na siya namang nangangasiwa sa Voters’ Education Campaign sa diyosesis na may titulong Lead My People.
Binigyan-diin ni Bishop Villarojo na nakasalalay sa boto ng bawat isa ang kinabukasan ng buong bansa.