665 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang pagbabahagi ng impormasyon sa mga botante para sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataang Election sa bansa.
Ayon kay PPCRV Director for Voter Education Dr. Arwin Serrano, nakahanda ang citizens arm na magbahagi ng voters education kahit wala pang katiyakan ang pagsasagawa ng halalang pambarangay dahil sa mga panukalang muling pagpapaliban nito.
Inihayag ni Serrano na kabilang sa mga impormasyong ibabahagi ng PPCRV sa mga botante ay ang kahalagahan ng barangay bilang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, sino-sino ang mga pwedeng lumahok at kung paano ang sistema ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
“Kahit na wala pang klarong mandato na talagang matutuloy siya [ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections] o magkakaroon ng panukala sa Kongreso para i-postpone siya but pwede na kaming magsimula na din ng voter’s education campaign naman para sa Barangay and SK, ano ang importansya ng Barangay, sino-sino ba ang pwedeng lumahok at paano ba nahahalal.” pahayag ni Serrano sa panayam sa Radio Veritas.
Sinabi ni Serrano na importante ang voter’s education sa kahalagahan at natatanging tungkuling ginagampanan ng Sangguniang Kabataan sa barangay.
Iginiit ni Serrano na malaman ng mga botante ang halaga ng tungkulin at responsibilidad ng mga mahahalal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
“Gayundin yung SK natin bakit ba siya meron pang SK despite napakarami naman nating mga youth organization sa barangay. So bibigyan natin ng pagpapahalaga yung importansya ng SK at saka yung buti na nagagawa nito doon sa mga kabataan at ganun din sa mga mahahalal na SK officials.” Dagdag pa ni Serrano.
Naunang kinundena ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang planong muling pagpapaliban sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre 5, 2022.
Ayon kay Caritas Philippines national director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang muling pagpapaliban ng halalang pambarangay ay maituturing na pagsasawalang bahala sa kahalagahan at tungkuling ginagampanan ng mga opisyal ng barangay.
Batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), aabot sa mahigit 42,000 ang kabuuang bilang ng mga barangay sa Pilipinas.