63,482 total views
Kapanalig, ang ganda ng achievement ng Pilipinas pagdating sa gender equality in education. Sa larangan kasi ng edukasyon, equal na o pantay na ang access ng babae at lalake. Sana hindi natin masayang ito kapanalig. Malaking milestone na ito pagdating sa gender issues sa ating bayan.
Kaya lamang pagtapos makapag-aral ng maraming kababaihan, may kakaharapin pa silang hamon o obstacle na kaugnay sa kanilang pagiging babae. Dito sa ating bansa, nakakapag-aral man ang babae, sinasalubong naman sila ng gender pay gap – ang pagkakaiba ng sweldo ng babae at lalake.
Ang sweldo ng mga kababaihan sa Pilipinas ay 71.6% lamang ng sweldo ng mga lalake. Sayang naman kapanalig, hindi ba, na matapos harapin at tapsusin ang ilang taon ng edukasyon, ang matatangap pala ng babae ay mas maliit kumpara sa lalake.
Ang ganitong sitwasyon ay tila nagbabale-wala o nanliliit ng lahat ng paghihirap na pinagdaanan ng kakabaihan. Kailangan maibago ito dahil ang laki at lawak ng implikasyon nito hindi lamang sa mga indibidwal na babae na apektado nito kungdi sa buong lipunan.
Halimbawa, sa agrikultura, sa pisong kinikita ng male workers, 92 centavos lamang ang sa babae. Malaking dagok ito kahit pa sa double income households – malaki ang nababawas na kita para sa parehong trabaho. Ang kita na ito ay magagamit sana ng pamilya para sa araw araw nilang buhay.
Ang gender pay gap ay isa rin sa mga rason sa kahirapan ng maraming pamilya. Isipin na lang natin, kapanalig na dahil mas maliit ang kita ng maraming babae, minsan, kailangan pa nila magtrabaho ng mas mahabang oras para lamang sumapat ang sweldo. Kailangan niya iwan pa ng mas matagal ang kanyang pamilya, kailangang niyang magpagod pa, na bumabawas ng oras niya para sa mga gawaing bahay, pag-aalaga at pagtuturo ng anak, at minsan pati pag-aalaga ng elderly o seniors. Hindi lamang money poverty ang nararanasan ng babae sa ganitong sitwasyon, pati time poverty, pinapasan pa niya.
Ang gender pay gap din ay malaki ang impact sa buhay ng babae hindi lang ngayon, kundi hanggang retirement. Ang overall lifetime earnings ng babae ay nagkakaroon ng substantial reduction o kabawasan dahil dito, at pati retirement pay o pension niya ay magiging maliit. Hindi ito makatarungan, kapanalig.
Hindi ba’t pantay pantay ang ating dignidad sa mata ng Diyos? At ayon nga sa Gadium et Spes, lahat tayo ay magkakapatid, at nilikhang kawangis Niya. Pero bakit ang kapatirang ito ay hindi natin nakikita sa sweldo ng babae at lalake sa ating bayan? Kapanalig, kung nais nating tunay na maka-takas sa kahirapan, kung nais natin na tunay tayong maging pantay-pantay sa lipunan, marapat na unahin natin ito sa pagbibigay ng fair and just wages to all. Ang tunay na kaunlaran ay hindi nang-iiwan ng tao, babae man o lalake, sa kahirapan.
Sumainyo ang Katotohanan.