24,535 total views
Ipinarating ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) at NAGKAISA Labor Coalition sa pamahalaan ang apela sa wage hike at pagtutol sa Charter Change.
Iginiit ng dalawang grupo na sa kabila ng pagsusulong ng Charter Change ay mahalaga na bigyan ng prayoridad ang wage hike dahil lubhang pinababa ng inflation rate ang halaga ng suweldong natatanggap ng mga manggawa.
Sinabi ng NAGKAISA labor coalition na mga dayuhan at malalaking kompanya lamang ang makikinabang sa isinusulong na Charter Change.
“The Constitution did not hinder us from developing our own industries. But we don’t even have an industrial policy. In fact, foreign interest prevented us from doing so through the dictates of the IMF-WB and WTO for liberalization, deregulation, and privatization. But why are we blaming the Constitution now,” mensahe ni Joshua Mata, Secretary-general ng SENTRO ng Nagkakaisa at Progresibong manggagawa sa Radio Veritas.
Kinundena naman ni KMU Secretary-general Jerome Adonis ang pahayag nila Labor Secretary Bienvenido Laguesma, Albay Representative Joey Salceda at Marikina Representative Stella Quimbo na pinapaburan ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSME) sa Cha-Cha.
Tinawag ni Adonis na ‘walang-puso’ ang pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan dahil sa kawalang malasakit sa kapakanan ng mga manggagawa.
“Mas malaki ang bilang ng manggagawa na nagtatrabaho sa malalaking korporasyon kumpara sa MSME, sa katunayan, kaming mga nangangampanya para sa dagdag-sahod ay nananawagan din ng wage subsidy upang agapayan ng gobyerno ang maliliit na negosyo na maibigay ang dagdag-sahod,” ayon naman sa mensahe ni Adonis na ipinadala ng KMU sa Radio Veritas.
Apela ng NAGKAISA at KMU ang kagyat na pagsasabatas ng 100-pesos Daily Minimum Wage Increase Act of 2023 o Senate bill No.2534.
Nabatid na 341-pesos ang pinakamababang minimum wage sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao habang 610-pesos naman sa National Capital Region (NCR).
Una ng nakiisa si Church People Workers Solidarity – NCR Chairman Fr.Noel Gatchalian sa mga katulad na apela ng sektor ng mga manggagawa upang makasabay ang kanilang suweldo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.