380 total views
Nakiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care sa mga nurse at iba pang health care workers sa pagkakamit ng wastong suweldo.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, vice-chairman ng CBCP-ECHC, karapatan ng sektor na makamit ang wastong suweldo at benepisyo.
Ipinagdarasal ng Obispo na pangunahan ng pamahalaan ang mga pagpupulong na tatalakay sa kapakanan ng healthcare workers sa bansa.
“Kailangan talaga dagdagan kung ito po ay insufficient meaning yung ano naman po na mabigyan natin sila ng dangal ang kanilang trabaho, they are also human beings,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Florencio
Ito ang pakikiisa ng Obispo sa panawagan ni United Kingdom-based Filipina nurse at George Cross Awardee May Parsons’ na tugunan ang pangangailangan at mababang suweldo ng mga healthcare workers sa Pilipinas.
Hinimok naman ni Bishop Florencio ang mga health care workers na ipagpatuloy ang pagseserbisyo para sa bayan sa gitna ng nararanasang mga pagsubok.
“Mapanatag na isipan na tayo ay ginagawa natin yung mga tungkulin at the same time nakakatanggap din tayo ng tama or decent na sahod from the work that we are doing, at in the end sana tayong lahat ay mabigyan din ng basbas ng ating Panginoong maykapal upang ang mga suliranin na ito ay matugunan at malampasan po natin at patungo tayo sa pag-unlad, pag-unlad ng ating bansa, pag-unlad din ng ating pamumuhay,” panalangin ni Bishop Florencio
Nabatid mula sa Department of Labor and Employment, ang entry level ng mga nurse na nasa pampublikong pagamutan ay nasa 13-libong piso habang nasa 10-libong piso lamang sa mga nurse na nasa pribadong pagamutan.