79,522 total views
Mga Kapanalig, may natitira pa ba sa inyong 13th month pay at Christmas bonus?
Ang Kapaskuhan talaga ay panahon kung kailan napakahalaga ng budget. Pinaghahandaan natin ang kaliwa’t kanang Christmas party, exchange gifts, at lalo na para sa handa natin sa Pasko at Bagong Taon. Sa panahong ito, hindi lang tayo ang nagba-budget; pati na rin ang pamahalaan.
Nabatikos ang inihaing national budget ng bicameral conference committee para sa taóng 2025. Binawasan o tinanggalan pa nga ng budget ang ilang mahahalagang ahensya ng pamahalaan at mahahalagang programa para sa mga batayang sektor katulad ng edukasyon at healthcare.
Ang sektor ng edukasyon—na ayon sa 1987 Constitution ay dapat makatanggap ng pinakamalaking budget—ay nakatanggap ng malaking pagbawas ng pondo. Ang budget ng DepEd ay nabawasan ng 12 bilyong piso at ang Commission on Higher Education (CHED) naman ay natapyasan ng 30 bilyong piso. Napuna rin ang “zero subsidy” para sa PhilHealth. Ayon kay Senadora Grace Poe, walang inilaang subsidiya ang pamahalaan dahil kailangan munang gamitin ng PhilHealth ang reserve funds nito na nagkakahalaga ng 600 bilyong piso. Samantala, biglaan namang lumobo ang pondo ng Department of Public Works and Highways—mula 825 bilyong piso ay naging 1.1 trilyong piso ito.
Isa pa sa mga probisyong kinukuwestyon ngayon ay ang 26 bilyong pisong inilaan para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP. Ang pondong ito ay paghahatian ng dalawang Kapulungan ng Kongreso: 21 bilyong piso para sa Mababang Kapulungan at 5 bilyong piso para sa Senado. Binatikos ito dahil maaari daw itong maging pork barrel na baka mapunta sa vote buying ng mga tatakbong muli sa darating na eleksyon. Itinanggi naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga batikos na ito at sinabing ang AKAP funds ay mapupunta at ipamamahagi lamang ng DSWD.
Sa kabila ng mga pambabatikos at pagkadismaya ng marami, idiniin ni Pangulong BBM na ibabalik ang budget ng DepEd. Ngunit sa usapin ng PhilHealth subsidy, nanindigan naman siyang hindi bigyan ng subsidiya ang ahensya. Aniya, hindi nagagamit ang pondo nitong maaari pang gamitin ng ibang ahensya. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nangako siyang pipirmahan ang national budget bago matapos ang taon.
Matagal na panahon na nating naririnig ang mga suliranin at pananamantala sa pondo ng bayan katulad ng pagwaldas ng confidential and intelligence funds at ang binalak na paglipat ng sobrang pondo ng PhilHealth sa national treasury. Ngunit sa pagkakataong ito, bakit may mga pondo pa ring nilalaan na maaaring pagsamantalahan o gamitin para impluwensyahan ang mga botante, lalo na’t malapit na ang susunod na halalan?
Pinaalalahanan ang ating mga pinuno ng panlipunang turo ng Simbahan na maging wais at planado sa pagba-budget ng pondo katulad ng ating pagpaplano para sa Kapaskuhan. Ayon sa Simbahan, ang paggamit ng pondo ng bayan ay dapat nakabatay sa prinsipyo ng kabutihang panlahat (o common good) at dapat maging instrumento ito ng kaunlaran at pagkakaisa.
Sa konteskto ng ating national budget, dapat maging wais ang ating mga pinuno. Bigyang-prayoridad nila ang mga batayang sektor ng edukasyon at kalusugan sa pamamagitan ng pagbabalik ng budget na nakalaan sa mga ito. Iwasan din ang pananamantala sa pondo ng bayan para sa makasariling interes. Bilang mga mamamayan, alamin at maging kritikal tayo sa kung paano ginagastos ng pamahalaan ang perang sa atin din nagmula.
Mga Kapanalig, ang ating pamahalaan ay dapat maging mabubuting katiwala ng budget ng bayan na magbibigay sa atin ng maayos at panatag na bagong taon. Ayon nga sa Kawikaan 29:4, “Ang kaharian ay matatag kung ang hari’y makatarungan, ngunit ito’y mawawasak kung sa salapi siya’y gahaman.”
Sumainyo ang katotohanan.