171 total views
Mga Kapanalig, ilang beses nang sinabi ni Pangulong Duterte na wala na tayong pera. Sa pagpapatuloy ng pandemya at lockdown na nagdulot ng kawalan ng trabaho, kahirapan, at gutom sa marami, paano lalakas ang ating loob kung ang itinuturing nating ama ng bayan ay para bang wala nang maipantustos sa ating pangangailangan?
Noong nakaraang buwan, inamin ng pangulong pinayagan niyang magbukás muli ang mga pasugalan upang may pumasok daw na pera sa ating kaban. Galit daw siya sa pagsusugal ngunit napilitan daw siyang pumayag na magbalik ang gambling operations sa bansa dahil kailangan natin ng pera. Sabi ng pangulong nagpapasok sa mga online gambling hubs (gaya ng mga POGO) bago pa man dumating ang COVID-19, hindi raw ngayon panahon upang maging moralista. Magandang malaman kung gaano nga kaya kalaki ang perang ipinapasok ng pagsusugal sa ating ekonomiya at ang buwis na binabayaran ng mga nagpapatakbo ng casino at iba pang pasugalan.
O baka naman mayroon tayong pera pero hindi lang natin nalalaman kung nasaan ito?
Nitong nakaraang linggo, tinawag ng Commission on Audit (o COA) ang atensyon ng Department of the Interior and Local Government (o DILG) dahil hindi pa nito naili-liquidate ang 3.6 bilyong pisong inilagak nito sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at NGOs. Ayon sa COA, bigo ang DILG na magsumite ng mga dokumentong magpapakita kung sinu-sino ang tumanggap ng pondo ng kagawaran at magpapatunay na nagamit nga talaga ang pera sa dapat paglaanan nito.
Kung wala tayong pera, bakit din nagmumungkahi ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (o NTF-ELCAC) ng 40 bilyong pisong budget para sa susunod na taon? Paliwanag ng nasabing task force, ilalaan ang pondong ito sa halos 2,000 barangay na pinamumugaran noon ng mga rebeldeng grupo. Gagamitin ang pondong ito para sa pagpapatayo ng mga farm-to-market roads, paaralan, pabahay, at health centers—mga imprastraktura at programang hindi na bago at ibinibigay na ng ibang ahensya. Mabilis ding nailabas ang mahigit 16 bilyong piso para sa barangay development program ng NTF-ELCAC sa kasagsagan ng pandemya at gayong marami ang nangangailangan ng ayuda.
Mukhang hindi naman talaga nauubos ang pondo ng bayan. Kailangan lang tiyaking napupunta ito sa mga tamang programa. Kailangan lang ayusin ng pamahalaan ang prayoridad nito lalo na ngayong may pangkalusugang krisis tayong kinakaharap.
Kinikilala sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan ang tungkulin ng pamahalaan sa pagtataguyod ng kaunlaran ng lahat. Kaakibat ng tungkuling ito ang pagtulong sa mahihirap at magagawa ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng paglikom ng buwis at paggugol nito sa mga programang tunay na pakikinabangan ng mamamayan. Sabi nga sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang pagtatanggol sa karapatan ng bawat tao at pagtulong sa kanilang magampanan din ang kanilang mga tungkulin ay pangunahing obligasyon ng mga namumuno sa pamahalaan. Samakatuwid, mahalagang mahusay ang ating mga namumuno sa paggamit ng buwis na iniaambag ng lahat dahil ito ay para sa kapakinabangan ng mga tao.
Mga Kapanalig, paalala nga sa Mga Kawikaan 21:5, “Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa’y walang kahihinatnan.” Ang ating mga lider ay hindi nakaluklok sa kapangyarihan upang mag-utos lamang at masunod ang kanilang kagustuhan kung paano gagamitin ang iniaambag nating buwis. Dapat natin asahan sa kanilang maging matuwid at masinop lalo na sa pamamahala ng pondo ng bayang ipinagkakatiwala natin sa kanila. Sa krisis na dinaranas natin ngayon, napakasakit marinig sa ating mga lider na wala na tayong pera gayong nariyan ang bilyun-bilyong pondong hindi natin nalalaman kung saan nagagamit o hindi nailalaan sa pagtugon sa mga mas kagyat nating pangangailangan.