289 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang administrasyon ni Pangulong Digong Duterte, ilang beses nating narinig sa kanyang kulang na kulang na ang pera ng gobyerno upang tugunan ang marami at mabibigat na problema sa ating bansa.
Ilang buwan mula nang magsimula ang pandemya at ang pagpapatupad ng malawakang lockdown noong 2020, sinabi ng dating pangulong wala nang pera ang pamahalaan upang bigyan pa ng ayuda ang 18 milyong mahihirap na pamilyang ang mga miyembro ay nawalan ng trabaho o hindi makapaghanapbuhay. Kasabay nito ang pangangailangang tulungan ang pag-aaral ng mga estudyante sa malalayong lugar noong isinara ang mga paaralan dahil sa pandemya. Humingi ng pasensya si dating Pagulong Duterte habang nagkakandarapang maghanap ang kanyang administrasyon ng pambili ng mga distance learning gadgets katulad ng mga transistor radio. Nang nanalasa naman ang Bagyong Odette noong 2021, gustuhin man daw ni dating Pangulong Duterte na agarang mabigyan ng tulong ang mga apektado nating kababayan, hiráp daw siyang gawin ito dahil ubos na raw ang kaban ng bayan. Sinisi niya ang pandemya sa kawalan ng pondong magagamit sana sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Nitong mga nakalipas na linggo, lumabas sa mga ginawang reports ng Commission on Audit (o COA) sa mga ahensya ng gobyerno ang ilang findings na nagpapahiwatig na parang hindi naman talaga nasaid ang kaban ng bayan.
Narito ang ilang halimbawa. Gumastos ang Department of Information and Communications Technology (o DICT) ng 93 milyong piso upang bumili ng mga bagong gadgets katulad ng laptops at tablets. Ngunit natuklasang hindi naman naipapamahagi pa ang mga ito sa mga dapat makatanggap.
Umabot naman sa 1.38 bilyong piso ang ginastos para naman sa mga PPE, ngunit ang pagbilil ng mga ito ay hindi dumaan sa tinatawag na due diligence. Ipinamahagi ang mga PPE sa mga COVID-19 front-liners ngunit ang mga ito pala ay hindi awtorisadong ibenta. At siguro ay narinig na ninyo ang tungkol sa mga laptops na binili ng Department of Education (o DepEd). Sobrang mahal ng mga ito gayong hindi naman mabibilis at de-kalidad ang mga biniling units.
Sa laki ng pondong nailabas ng gobyerno para sa mga bagay na hindi naman napakinabangan o binili nang lampas sa tamang presyo, talaga nga bang walang pera ang nakaraang administrasyon? Ano ang gagawin ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr, sa mga ulat na ito ng COA? Mapapanagot kaya ang mga taong nasa likod ng mga kuwestyonableng transaksyong ito? May mga pagkukulang ba ang nakaraang administrasyon kaya nalustay ang napakalaking pera ng bayan?
Ang mga nasa pamahalaan ay may natatanging tungkuling pangalagaan ang interes ng mga mamamayan, at malaking bahagi nito ang pangangasiwa sa pera ng bayan at paggamit nito sa wastong paraan. Sa isang misa noong 2020, sinabi ni Pope Francis na ang mga opisyal ng gobyerno ay naatasang gumawa ng mga mahahalagang desisyon para sa kabutihang panlahat o common good. Sa paglutang ng mga kuwestyonableng transaksyon sa ilalim ng nakaraang administrasyon—hindi lamang noong nakaraang taon kundi mula pa noong nagsimula ito—masasabi ba nating kabutihang panlahat ang naging batayan ng kanilang ginawang mga pasya sa paggamit ng perang ipinagkatiwala natin sa kanila?
Mga Kapanalig, kasabay ng pagdarasal para sa kanila (gaya nga ng paalala sa 1 Timoteo 2:1-4), tungkulin din nating mga mamamayang bantayan ang kanilang ginagawang mga desisyon. Perang mula sa ating buwis ang ipinagkakatiwala natin sa kanila, kaya dapat lamang na panagutin ang mga naglulustay nito at ang mga nagtatakip sa kanila. Hindi natin ito dapat palampasin at tanggapin na lang ang mga katwirang wala na tayong pera upang tugunan ang mga kailangan ng bayan.