346 total views
Mga Kapanalig, ang graduation o ang Araw ng Pagtatapos ang pinakahihintay at pinaka-importanteng araw para sa mga estudyante matapos ang maraming taon ng pag-aaral. Ngunit noong ika-24 ng Hulyo, nabalot ng takot ang dapat sana ay masayang okasyon para sa mga magtatapos sa Ateneo Law School.
Isang insidente ng pamamaril ang naganap sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City. Kinilalang si Chao-Tiao Yumol, isang doktor, ang bumaril at pumatay sa dating alkalde ng Lamitan City sa Basilan na si Rosita “Rose” Furigay. Nabaril at namatay din ang executive assistant ng alkalde na si Victor Capistrano at ang security guard ng Ateneo na si Jeneven Bandiala. Sugatan naman ang anak ni Furigay na magtatapos sa araw na iyon. Nahaharap sa tatlong counts ng murder at frustrated murder si Yumol. Sinampahan din siya ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016, Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at malicious mischief.
Ang nakababahala sa pangyayaring ito, nagawa pang purihin ng ilan nating kababayan ang ginawa ni Yumol. Sa isang social media scan na ginawa ng Rappler, lumabas na 56.6% ng mga posts sa Facebook at 45.5% ng mga videos sa YouTube na tungkol kay Yumol ay puro pagpapahayag ng pagsuporta o pakikiramay sa kanya. Ang mga posts, kasama na ang mga comments sa social media, ay halos puro pagpupuri sa kanya. Isa raw “bayani” si Yumol dahil sa paglalantad daw niya sa katiwalian at talamak na kalakalan ng ilegal na droga sa Lamitan. Ayon sa abogado ng pamilya Furigay, taong 2018 pa may personal na galit si Yumol sa dating alkalde matapos ipasara ng lokal na pamahalaan ang klinika niya dahil walang kaukulang permit ito. Lumabas ding sinampahan ni Furigay ng mahigit pitumpung kaso ng cyber libel si Yumol dahil sa mga paratang ng huling sangkot umano sa ilegal na droga ang mga Furigay. Ito na yata ang impluwensiya ng nakaraang administrasyon nang umpisahan nito ang madugong war on drugs—tila normal na ang pagpatay upang tugunan ang mga problema ng ating lipunan.
Maliban sa inilagay niya ang batas sa sarili niyang mga kamay, hindi katanggap-tanggap ang ginawang pagpatay ni Yumol dahil pagyurak ito sa dangal-pantao. Isa lang ang malinaw: walang lugar dapat ang karahasan sa mundong ginawa ng Diyos. Anuman ang dahilan, hindi kailanman tama ang pumatay. Walang sinuman sa atin ang may lisensyang kumitil ng buhay ng ating kapwa. Sinasabi rin sa mga panlipunang turo ng Simbahang ang kapayapaan ay bunga ng katarungan at pag-ibig. Nanganganib ang kapayapaan kapag hindi naibibigay sa tao ang nararapat sa kanya, kapag walang paggalang sa kanyang dignidad, at kapag hindi tungo sa kabutihang panlahat ang mga patakaran at hakbang ng mga namumuno. Mahalaga para sa isang mapayapang lipunan at kabuuang pag-unlad ng mamamayan ang pagtataguyod ng karapatang pantao.
Hindi kailanman magiging makatwiran ang anumang dahilan ni Yumol upang patayin ang dating alkalde, lalo na’t nadamay pa ang ibang taong ginagawa lang ang kanilang trabaho at mga taong ipinagdiriwang ang kanilang espesyal na araw.
Mga Kapanalig, naninindigan ang ating Simbahang kailanman ay hindi solusyon ang karahasan at pagpatay dahil dinadagdagan lang nito ang mga problema sa lipunan. Maaaring humingi ng katarungan nang hindi pinipili ang karahasan at hindi buhay ang ginagawang kapalit. Sa mga kababayan nating ipinagtatanggol pa ang ginawa ng doktor, pagnilayan nawa natin ang tanong ng Diyos sa Mga Awit 82:2, “hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama? Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?” Hindi ba taliwas ang ginawang dahas ni Yumol sa panata ng mga katulad din niyang doktor na “do no harm”? Kailan pa naging tama ang pumatay ng tao?