918 total views
Malaya ang bawat Filipino na sumampalataya sa anumang relihiyon.
Ito ang paglalagom ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. bilang kahulugan ng ‘separation of church and state’ na paulit-ulit na pinupukol sa Simbahang Katolika.
Nilinaw ng Obispo na ang separation of church and state ay hindi pagtatakda ng opisyal na relihiyon ng bansa at hindi rin kinakailangang pagbatayan sa paghahanap ng trabaho o paglilingkod sa bayan.
Iginiit ni Bishop Bacani na bagama’t mayorya ng populasyon ng Pilipinas ay mga katoliko o katumbas ng 80 porsiyento ay malaya ang bawat Filipino na pumili ng kanilang relihiyon at paniniwalaan.
“Sa totoo lang, hindi rin ipinagbabawal na kumandidato ang isang pinuno ng isang relihiyon para sa isang puwesto ng gobyerno kumampanya para sa kaniyang sarili. Ang ating batas ay hindi nagbabawal na kumampanya ang sinumang taong simbahan para sa kandidatong gusto nya. ‘yan ang batas ng ating bansa,” ayon sa pahayag ni Bishop Bacani sa programang Veritas Pilipinas.
Sinabi ni Bishop Bacani na walang nagbabawal sa simbahan sa pagbibigay ng palagay tungkol sa iba’t ibang usapin sa lipunan.
Kilala ang simbahan sa pagpuna sa mga maling polisiya ng pamahalaan na binabatikos din ng ilan dahil sa pagkiling sa ilang kandidato ngayong halalan.
Una na ring binabatikos ang simbahan na pakikialam sa pulitika dahil sa personal na pagkiling ng ilang mga lingkod ng simbahan sa mga kandidato.
Inihayag pa ng obispo na hindi nag-eendorso ang simbahang katolika bilang institusyon subalit maaari ring isagawa kung walang matinong kandidato na para sa kapakanan at dignidad ng sambayanan.
“That is not an absolute truth, kung makikita ng simbahan na walang matinong kandidato kundi iisa para sa kapakanan ng sambayanan at dignidad ng tao pwede rin naman na ang simbahang na buo na manindigan pero yun ay ‘exceptional circumstance’ totoo yun. ‘Yun ay kung kinakailangan lamang talaga. Pero normally, hindi kinakailangang gawin ‘yun,” ayon pa kay Bishop Bacani.