274 total views
Mga Kapanalig, ibinalita kamakailan ng Commission on Population and Development (o POPCOM) na tumaas ng 7% ang bilang mga batang babaeng 15 taóng gulang na nagkaroon ng anak noong 2019 kumpara noong 2018. At sa mga batang edad 10 hanggang 14, higit sa dalawang libo ang naging mga batang ina, ayon naman sa Philippine Statistics Authority (o PSA). Sampung taóng gulang ang naitalang pinakabatang babaeng nagkaroon ng anak noong 2019.
Sa huling siyam na taon, patuloy na tumataas ang kaso ng teenage pregnancy. Tinatayang isa sa bawat sampung panganganak sa ating bansa ay isang batang inang nanganganak. Babala ng komisyon, maaaring mas tumaas ang bilang ng mga batang ina ngayong pandemya dahil sa kawalan ng access sa impormasyong tama at akma sa kanilang edad, gayundin sa mga serbisyong pangkalusugan.
Kaya hindi na nakapagtataka ang resulta ng huling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (o SWS) kung saan 6 sa 10 Pilipino ang naniniwalang teenage pregnancy ang pinakamabigat na problemang kinakaharap ng mga kababaihan sa kasalukuyan.
Paano nga ba natin maiiwasang magkaanak sa maagang edad ang ating mga anak?
Ayon sa Child Rights Network (o CRN), isang alyansa ng mga organisasyong nagsusulong karapatang pambata, malaki ang magagawa ng pagsasabatas ng tatlong panukalang batas upang tugunan ang pang-aabuso sa mga batang karaniwang nauuwi sa kanilang maagang pagbubuntis. Ang unang panukala ay ang Anti-Child Rape Bill na nagtataas ng edad ng statutory rape mula 12 taóng gulang sa 16 taóng gulang. Ibig sabihin, binibigyan ng mas mataas na proteksyon ang mga batang wala pang 16 na taóng gulang at kininilalang hindi pa ganap ang kanilang kapasidad upang pumayag makipagtalik, lalo na sa isang nakatatanda o adult.
Pangalawa ay ang panukalang batas na Prohibition of Child Marriage Bill. Bagamat 18 taóng gulang ang legal na edad upang makapagpakasal, nangyayari pa rin ang pagpapakasal ng mga bata, lalo na kung buntis na ang isang batang babae. Layunin ng panukalang batas na parusahan ang sinumang magkakasal o magpapakasal sa mga bata.
Panghuli ay ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill. Layon nitong paigtingin ang pagbibigay-impormasyon sa mga bata tungkol sa kanilang kalusugan nang naaayon sa kanilang edad. Magkakaroon din ng opisina sa mga lokal na pamahalaan upang matutukan ang implementasyon nito sa mga komunidad. At ang pinakamahalagang probisyon nito ay ang pagbibigay ng pamahalaan ng social protection sa mga batang magulang at kanilang mga anak.
Kasabay ng pagsasabi nating walang dapat nagiging batang magulang at ng pagsusulong ng mga nabanggit nating panukalang-batas, mahalaga rin ang ating papel bilang mga nakatatanda sa paggabay sa mga kabataan. Sabi nga ni Pope Francis sa kaniyang apostolic exhortation na Amoris Laetitia, ang paghubog sa mga bata ay pangunahing tungkulin ng mga magulang. Ang pahubog sa kanila ay kailangang unti-unti, dahan-dahan, at hindi nakabatay sa takot nila sa atin bilang mga nakatatatanda. Sabi nga sa Efeso 6:4, “Huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak… Palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.”
Ngunit ang pagtugon sa isyu ng teenage pregnancy ay hindi lamang dapat nakatuon sa mga batang babae. Dapat din nating tiyaking napoprotektahan sila sa mga lalaki—lalo na sa mga mas matanda—na umaabuso sa mga bata at humahantong nga sa maagang pagbubuntis ng mga batang babae. Muli, magsisimula ito sa ating mga tahanan, sa pagpapangaral sa mga anak nating lalaki at papapalakí sa kanilang iginagalang ang mga babae. Bilang mga mamamayan, dapat din nating burahin ang kulturang itinuturing lamang na kasangkapan ng mga lalaki ang mga babae.
Mga Kapanalig, walang magiging batang magulang kung responsible tayong mga nakatatanda sa ating sariling pamilya at sa ating pamayanan.