234 total views
Mga Kapanalig, kinaiinggitan ng ilang Katoliko sa Pilipinas ang di-umano’y botong Katoliko o “Catholic vote” sa Amerika. Doon daw, partido ng Katoliko ang Republican Party, gawa ng apat na dekadang pagtutol nito sa aborsyon. Samantala, sumusuporta ang kalaban nitong Democratic Party sa karapatan sa aborsyon. Kaya’t nailalarawan ang boto para sa Republican Party bilang boto para sa buhay.
Patunay raw nito ang 52% ng Katolikong bumoto kay Donald Trump, ang kandidato sa pagkapangulo ng Republican Party at ngayon nga ay bagong pangulo ng Estados Unidos. Samantala, 45% ng mga Katoliko roon ang bumoto sa kandidato ng Democratic Party na si Hillary Clinton.
Catholic vote nga kaya ito?
Ayon sa datos, ang lamáng ni Trump sa mga Katoliko ay galing sa mga puti o “white”. Umabot sa 60% ng mga puting Katoliko ang bumoto kay Trump, habang 37% sa kanila ang pinili ang kandidato ng Democratic Party.
Ngunit sa isa pang malaking grupo ng Katoliko sa Estados Unidos—ang mga Hispaniko—36% lang ang bumoto kay Trump, samantalang 67% kay Clinton. Hindi gaanong naiiba ang resultang ito sa huling apat na halalan sa pagkapangulo roon. Mula taóng 2000, talo sa mga Katolikong Hispaniko ang kandidato sa pagkapangulo ng Republican Party. Malaki ang lamáng ng kandidato ng Democratic Party. Ipinakikita nito na kung may botong Katoliko para sa Republican Party, may botong Katoliko rin para sa Democratic Party, at ito nga ay mula sa mga Hispaniko.
Sa kabuuan naman ng Katolikong bumoboto sa Estados Unidos, mas madalas pa ring matalo ang Republican Party. Sa limang halalan sa pagkapangulo mula 2000 hanggang nitong huli, tatlong beses natalo ang Republican Party. At sa dalawang beses na pagkapanalo nito, maliit ang lamáng nito sa Democratic Party.
Samakatuwid, bagama’t tutol ang Republican Party sa aborsyon, walang malinaw na botong Katoliko para rito. Bakit kaya?
Una, ang kasagraduhan ng buhay ay hindi lamang patungkol sa buhay sa sinapupunan. Bahagi ng pagtanggol sa buhay ang pagtaguyod sa disenteng sahod, pabahay, at serbisyong pangkalusugan, at ang pag-iwas sa digmaang hindi kinakailangan. Ang ganitong mga adhikain ay bahagi ng Katuruang Panlipunan ng Simbahan o Catholic Social Teaching. At masasabing mas litaw ang mga ito sa plataporma ng Democratic Party kaysa sa plataporma ng Republican Party. Mas kilala ang Republican Party sa layuning bawasan ang buwis, at bawasan din ang mga serbisyo para sa mahihirap na tinutustusan ng buwis. Mas kilala rin ito sa pagsusulong ng pakikidigma.
Ikalawa, hindi “absolute” ang posisyon ng magkabilang partido sa aborsyon. May mga Democrat na tutol sa aborsyon, gaya ng Katolikong running mate ni Clinton na si Tim Kaine. May mga Republican naman na sang-ayon sa karapatan sa aborsyon. Si Trump mismo ay tagasuporta ng karapatan sa aborsyon bago tumakbo sa pagkapangulo, ngunit tinutulan niya ito noong nangangampanya na para sa nominasyon ng Republican Party. Hindi lang sa Pilipinas tumutubo ang balimbing.
Panghuli, hindi masasabing “malinis” ang isang kandidato dahil lamang tutol siya sa aborsyon. Ayon sa mga obserbasyon, kinakatawan ni Trump ang isang taong walang paggalang sa mahihirap, sa mga migrante, sa ibang lahi, sa mga Muslim, sa kababaihan, at maging sa Santo Papa. Sinasabing mababa ang pagpapahalaga niya sa karapatang pantao at demokrasya. Ito ba ang mga katangiang maipagmamalaki ng mga Katoliko?
Kaya mga Kapanalig, walang dahilang mainggit sa diumano’y Catholic vote sa Estados Unidos. Gaya ng ipinakikita ng mga datos, wala malinaw na botong Katoliko roon. Ang pagboto ayon sa iisang prinsipyong Katoliko—halimbawa, pagtanggol sa buhay sa sinapupunan—ay madalas naisasabay sa ibang adhikaing masasabing taliwas sa ibang prinsipyong Katoliko. Kailangang manimbang nang mabuti at huwag umasa sa mga “litmus test” batay sa iisang isyu.
Kinikilala ng Simbahan ang karapatan ng lahat ng Katolikong bumoto ayon sa sariling konsiyensiya. Sinuman ang iboto, ang hinihingi ng Diyos ay pinagdasalan ang boto. Ito’y dapat na nanggagaling ito sa taos-pusong kagustuhang sundin ang Kanyang kalooban.
Sumainyo ang katotohanan.