3,262 total views
WALANG ISAHAN
Homily for Thu of the 7th week of Easter, 16 May 2024, Jn 17:20-26
Totoong importante ang “unity” o pagkakaisa. Pero ang importanteng punto ng ating mga pagbasa ngayon ay ito lang: “Hindi lahat ng pagkakaisa ay mabuti.”
Ito ang palaisipan tungkol sa alamat ng Tore ng Babel sa Bibliya, di ba? Nagkakaisa daw ang mga tao noong unang panahon dahil iisang linggwahe lang ang salita nila. At pinagkaisahan nilang magtayo ng Tore na abot hanggang langit. Isang toreng sumisimbolo sa hangarin ng tao na mag-Diyos-Diyosan, na lampasan ang langit sa karunungan. Dahil mali ang pinagkakaisahan, binuwag daw ng Diyos.
Hindi ba pinagkaisahan din ng mga anak ni Jacob ang inggit at galit nila kay Joseph, kaya ibinenta ang sariling kapatid bilang alipin sa mga biyaherong patungong Egipto?
Sa unang pagbasa, nakita agad ni San Pablo na mababaw ang pagkakaisa ng mga Saduseo at Pariseo. Pinagkaisahan nila ang hangarin na mahusgahan siya ng parusang kamatayan sa Sanhedrin. Parang bombang pinasabog ni San Pablo ang tungkol sa doktrina tungol sa muling pagkabuhay na alam niyang sanhi ng pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo. Ayun, nagkawatak-watak sila.
Sa ebanghelyo, narinig natin ang panalangin ni Hesus para sa mga alagad niya, at para sa ating lahat na maniniwala sa patotoo nila. Panalangin ito para ating ikapagkakaisa—na upang maging matibay ito, dapat walang ibang maging pundasyon kundi ang pagkakaisa mismo ng Ama at Anak sa buklod ng Espiritu Santo. Sa pagkakaisang ito—doon tayo inilublob nang tayo’y mabinyagan.
Ito rin ang madalas sabihin ni Pope Francis tungkol sa pagiging simbahang sinodal. Na hindi lang ito tungkol sa pakikilakbay natin sa isa’t isa, kundi sa pakikilakbay ng Diyos sa atin upang maturuan niya tayong makilakbay nang tama sa isa’t isa.
Malapit na ang Pentekostes. Ang regalong bababa sa sangkatauhan na dulot ng pag-akyat ni Kristo sa langit. Siya lang ang magbubuklod sa tao at papawi sa sumpa ng Tore ng Babel. Siya ang magbubukas sa ating mga puso at isip upang sa ating pakikipagkapwa ay isilang ang buklod na tunay at matibay na pagkakaisa ng kanyang mga alagad at sugo.
Iyung palang slogan na walang iwanan ay dapat sabayan ng slogan na walang isahan. Hindi tunay ang kaisahan kung imbes na pagkakaisa, ito ay nauuwi sa isahan!