7,036 total views
Nanawagan si Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles sa mga manananampalataya na gamitin ang patnubay ng Mahal na Birheng Maria upang maisulong ang pagkakapatiran at maiwaksi ang hindi pagkakasundo.
Ayon sa Arsobispo, pinili ng Panginoon si Maria na maging Ina ni Hesukristo at sambayan na simbolo ng pagkakapatiran.
“Kung lahat tayo anak ng Diyos, we will not hate one another, we will not do anything wrong to another kasi magkakapatid tayo. Kaya may lack of peace is sapagkat we don’t recognize that we are brothers and sister, minsan sinasabi natin kapatid pero paano magiging kapatid kung wala kang common father,” pahayag sa Radio Veritas ni Archbishop Arguelles.
Tiwala ang arsobispo na sa pamamagitan ng pagdedebosyon at higit na pagkilala kay Maria ay mapapadali ang mga inisyatibo ng pagkakaisa.
Ipinagmalaki naman ni Archbishop Arguelles ang malalim na pagdedebosyon ng Pilipinas sa Mahal na Birheng Maria.
Hinihimok ng arsobispo ang mga Pilipino na manindigan sa pananampalataya upang mapukaw ang iba pang bansa na isulong ang kapatiran upang mamayani ang kapayapaan.
“Kaya kapag sinabi ng iba na tayo ay mga pinagtatawanan dahil tayo ay deboto ng Blessed Mother, di ba maganda na we have a Mother na everlasting na yan sapagkat makalangit yan at lalo ding maganda na we have a common mother na guide through our Father kung brothers and sisters tayo we should work to help one another go up to where God wants us to be, wag nating kalabanin at mapalayo tayo hindi lang sa isat-isa kungdi sa pinanggalingan natin,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Archbishop Arguelles.
Ito ang mensahe ng Arsobispo sa nararanasang kaguluhan sa magkakaibang bahagi ng mundo kung saan milyong ang naapektuhanat dumaranas ng kahirapan.
Patuloy ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine, labanan ng Israel at Palestine at patuloy na pangha-harrass ng China sa West Philippine Sea.