48,412 total views
Hindi kailanman nagdudulot ng pinsala ang mga kaluluwa sa mga nabubuhay pa sa daigdig.
Ito ang binigyan diin ni Pasig exorcist Fr. Daniel Estacio.
Sa programang Dalangin at Alaala 2023 ng Radio Veritas, sinabi ng pari na pinahihintulan ang pagpaparamdam ng mga kaluluwa sa purgatoryo para lamang humingi ng panalangin.
Giit ng pari, ito ay hindi para magdulot ng takot at kapahamakan sa kanilang mga mahal sa buhay.
“If it’s really a soul from purgatory, tatanggalin nya ang takot, walang takot dapat. Kaya ito po ang unang-una nating determining factor-ang totoong kaluluwa na nagpaparamdam at nagpapakita, hindi po nananakot ‘yan po ang una. Kapag may nagparamdam may nagpakita sa inyo na nananakot, nakakatakot pugot ang ulo, duguan… ‘yan po ang isang katunayan at katibayan na hindi po iyan kaluluwa sa purgatory,” ayon kay Fr. Estacio.
Dagdag pa ng pari, “Ang kaluluwa sa purgatoryo pinapayagan ng Diyos na magparamdam just to ask for prayers nothing more and nothing less. Hindi po iyan nananakot, hindi nagko-cause ng accident. May testimonies may nagpakita dyan sa tulay, nagpakita sa daan, maraming naaksidente kasi may nagpapakita, may nagpaparamdam, ang tanong ‘yun po ba ay kaluluwa, hinde! Sapagkat ‘yun ay masasabi nating ‘fallen angels’ o ‘unclean spirits’ o masamang Espiritu na gumagaya sa mga kaluluwa sa purgatoryo.”
Kaya’t bababala ng pari na sakali mang may pagpaparamdam at pagpapakita na nagdudulot ng kapahamakan ito ay hindi kaluluwa ng inyong yumao kundi isang masamang Espiritu.
Hinihikayat ng simbahan ang lahat ng mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang mga kaluluwa sa purgatoryo upang mapabilis ang kanilang paglilinis at pag-akyat sa kaluwalhatian.
Giit ng pari, ang pagdalo sa misa, pagdalaw sa mga puntod ang ilan sa mahalagang panalangin na maari nating maialay sa ating mga namayapang mahal sa buhay.
Isa ring pagkakataon ng bawat isa ang biyaya ng indulhensya plenarya simula November 1 hanggang November 8 para sa ating mga namayapa.
Sa pamamagitan ng plenary indulgence ay mapapatawad ang mga nagawang kasalanan ng mga namayapa at mabubura ang kaakibat na parusa na magiging daan sa kanilang pag-akyat sa langit.
Paalala pa ng pari na walang katotohanan ang mga kaluluwang lagalag o wandering souls dahil walang pinapayagan ang Panginoon na manatili sa lupa ang mga taong namayapa na.
“Hindi hahayaan ng Diyos na magpagala-gala ‘yung kaluluwa at sasabihin na hindi niya alam na hindi, hindi po totoo ‘yun. Sapagkat immediately at the moment of death tatanggapin ng tao ang paghuhusga sa kanya-pupunta sa langit, impiyerno or dadaan sa purgatory,” paliwanag ni Fr. Estacio.