115,593 total views
Mga Kapanalig, sampung upperclassmen ni Horacio “Atio” Castillo III sa fraternity na Aegis Juris ang hinatulang guilty sa paglabag sa Anti-Hazing Act of 1995. Sinintensyahan sila ng habambuhay na pagkakagulong at pinagbabayad ng danyos sa pamilya ng biktima. Karaniwang initiation rite o tradisyong pinagdaraanan ng mga nais sumapi sa mga samahan ang hazing.
Taóng 2017 nang namatay sa hazing si Atio, isang freshman student sa Unviersity of Santo Tomas College of Law. Natagpuan ang kanyang bangkay sa isang kalye sa Maynila. Bugbog ang kanyang katawan at tadtad ng patak ng kandila. Ayon sa autopsy report, namatay si Atio sa massive heart attack, dala marahil ng matinding pisikal na pananakit. Labing-walong miyembro ng Aegis Juris ang sinampahan ng reklamo ng pulisya sa Department of Justice para panagutin sa mga kasong murder, obstruction of justice, at iba pa. Sampu lang sa kanila ang nasampahan ng kaso sa korte dahil sa kanilang direktang partisipasyon sa hazing.
Nagdulot ng public outrage ang pagkamatay ni Atio, at nagtulak ito sa Kongresong amyendahan ang Anti-Hazing Act. Noong 2018, naisabatas ang Republic Act No. 11053 na naglalayong palakasin ang batas na susugpo sa hazing. Sa ilalim ng batas, ang sinumang may kaalaman sa pagsasagawa ng hazing at bigong ipaalam ang pangyayari sa awtoridad ay maituturing na maysala. Inuutusan din ng batas ang mga paaralan na maging aktibo sa pagbabantay sa mga initiation activities ng mga samahan ng mga estudyante.
DZRV846 SOCMED PACKAGE 2024_6Bagamat natagalan, ikinalugod ng pamilya ni Atio ang naging hatol ng korte. Sa isang interview, emosyonal na nanawagan ang nanay ni Atio na muling suriin ng UST ang mga patakaran nito kaugnay ng insidente. Aniya, may pananagutan ang mismong pamunuan ng unibersidad sa sinapit ng kanyang anak. Bilang mga pangalawang magulang ng kanyang anak, bigo raw silang pangalagaan siya. Hangad ng nanay ni Atio na makakita ng pagbabago sa unibersidad upang hindi na maulit ang nangyari sa kanyang anak.
Napapanahon ang desisyon sa kaso ni Atio. Noong isang linggo lang, may isang labing-walong taong gulang na binata sa Nueva Ecija ang namatay dahil din umano sa hazing. Kamakailan lang din, sinabi ni Senador Francis Tolentino na ipinag-utos ni Pangulong BBM na isabatas na ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corp (o ROTC). May mga tutol sa panukalang batas dahil pinaiigting ng ROTC ang kultura ng karahasan sa mga paaralan. Inalis ang mandatory ROTC noong 2001 kasunod ng pagkamatay ni Mark Welson Chua na nagsiwalat sa mga tiwaling gawain sa programa.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na hindi magkakasabay ang karahasan at kapayapaan. Kung saan may karahasan, wala roon ang presensya ng Diyos. Hindi katanggap-tanggap na pamamaraan ang karahasan para patunayan ang pagkakapatiran, gaya ng nangyayari sa hazing. Katulad ng paalala ni Pope Francis sa isa niyang talumpati, “Nothing is gained in violence and so much is lost.” Hindi lang marami ang nawawala; minsan hindi na maibabalik pa ang mga ito, katulad ng buhay ni Atio at iba pang biktima ng hazing.
Akmang alalahanin ang kuwento ng magkapatid na sina Cain at Abel sa Genesis 4 sa kaso ni Atio, sa pinaghihinalaang bagong biktima ng hazing, at sa nagbabantang pagbabalik ng mandatory ROTC. Nang hanapin ng Panginoon kay Cain ang pinaslang niyang kapatid na si Abel, ang sagot lamang niya: “Ako ba ay tagapagbantay ng aking kapatid?” Sagot ng Panginoon, “Anong iyong ginawa? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.”
Mga Kapanalig, tayo ay tagabantay ng ating mga kapatid. Dumadaing ang mga biktima ng karahasan. Walang kapatirang mapatutunayan ng karahasan. Manawagan tayong tuldukan na ang hazing at gawaran ng hustisya ang mga biktima.
Sumainyo ang katotohanan.