553 total views
Mga Kapanalig, matapos ipasara sa turismo sa loob ng anim na buwan ang Boracay, sinabi ni Pangulong Duterte na isasailalim niya ang buong isla sa repormang agraryo o agrarian reform. Nais daw niyang maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Sa unang tingin, mukhang maganda ang hangarin ng pangulo, kahit na hindi naman malinaw kung may lupa roong angkop sa pagsasaka.
Ngunit lumitaw na iba pala ang gustong mangyari ni Pangulong Duterte. Sinabi niya noong nakaraang linggo na kapag naibigay na ang lupa sa mga magsasaka, maipagbibili nila ito sa mga negosyanteng papasok sa muling pagbubukas ng isla. Aniya, may pampalubag-loob naman daw ang mga magsasaka sa pagkawala ng kanilang lupa dahil makakahawak sila ng malaking halaga ng pera.
Ayon sa KAISAHAN, isang NGO na nagtataguyod ng repormang agraryo at kaparatan ng mga magsasaka sa pagkakaroon ng sariling lupa, ipinapakita ng pahayag ng pangulo ang kakulangan ng kanyang kaalaman tungkol sa tunay na layunin ng repormang palupa. Binigyang-diin ng KAISAHAN na ang repormang agraryo ay hindi tungkol sa negosyo; ito’y tungkol sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan at pagkilala sa karapatan ng mga magsasakang matagal nang nakararanas ng panlalamang ng mga nagmamay-ari ng lupang kanilang sinasaka. Ang pagkakait sa kanilang ariin ang lupang kanilang sinasaka ay isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling isa ang mga magsasaka sa pinakamahihirap na sektor sa ating bansa sa kabila ng kanilang ‘di-birong pagbabanat ng buto. Dahil dito’y isinabatas noong 1988 ang Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law (o CARL), na nagtatag naman ng Comprehensive Agrarian Reform Program (o CARP).
Dagdag pa ng KAISAHAN, maliban sa hindi malinaw sa pangulo ang diwa ng CARP, labag din sa batas ang kanyang iminumungkahi sa mga mabibigyan ng lupa. Sa ilalim ng CARL, bawal ipagbili ang lupang ipinamahagi ng pamahalaan sa mga benepisyaryo ng CARP sa loob ng sampung taon. Hindi rin nila ito maaaring i-convert o gamitin sa ibang bagay maliban sa pagsasaka. Kung matapos ang sampung taon at nais ipagbili ng mga magsasaka ang kanilang lupa, nakasaad sa batas na maaari itong bilhin ng pamahalaan.
Dapat din nating tandaang hindi lamang mga magsasaka ang nakatira sa Boracay. Nariyan ang mga kapatid nating Ati na dati nang naninirahan sa isla ngunit napagkakaitang pakinabangan ang lupa dahil hindi sa kanila nakapangalan ang mga titulo. Bilang mga indigenous peoples o katutubo, maituturing na ancestral domain nila ang isla. Dahil dito, bahagi ng kanilang pagkatao ang kanilang lupang tinubuan at pinagyaman ng kanilang mga ninuno, at kinikilala ito ng isa pang batas, ang Indigenous Peoples’ Rights Act (o IPRA). Malaking lamat sa kanilang pagiging mga katutubo ang ipagbili ang lupa para gawing negosyo gaya ng resort at ngayon nga’y mga casino.
Ang pagturing sa lupa bilang instrumento upang kumita ay pagbabalewala natin sa biyayang ito ng Diyos. Ang ipagkait ito sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pag-engganyo sa kanilang ipagbili ang kanilang lupa sa malalaking negosyo ay pagpapatuloy ng kawalang katarungan sa ating lipunan. Ang ipagkait ito sa mga katutubong nakaugat ang pagkatao at kultura sa lupa ay paglabag sa kanilang dangal at mga karapatan bilang tao at bilang pamayanan. Walang bahid ng pagsusulong ng katarungang panlipunan at ng pagkilala sa pagkatao ng mga katutubo ang layunin ng umano’y programang palupa ni Pangulong Duterte sa Boracay. (Bagamat kung tutuusin, matagal na itong nangyayari sa Boracay bago pa man ito ipasara; matagal nang naagawan ng lupa ang mga karapat-dapat na makinabang dito—unang-una rito ang mga Ati.)
Mga Kapanalig, walang katumbas na halaga ang lupang ipinagkaloob ng Diyos. Biyaya itong dapat pakinabangan ng lahat. Kung hahayaan ng pamahalaang mapasakamay ng iilan—maging ng mga dayuhan—ang lupa sa Boracay, huwad o peke ang “pagbabagong” nais nitong simulan sa isla.
Sumainyo ang katotohanan.