469 total views
Hindi hadlang ang kahirapan sa pagtanggap ng biyaya ng Panginoon tulad ng mga sakramento ng Simbahan.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, walang katumbas na halaga ang mga sakramento sapagkat ito ay kaloob ng Panginoon sa bawat mananampalataya bilang mga Anak ng Diyos.
“Hindi hadlang ang pagiging simple at pagiging mahirap sa pagtanggap ng biyaya mula sa Diyos, ang biyaya ay hindi nababayaran at kailanman ay walang presyo,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle sa isinagawang binyagang bayan sa inisyatibo ng Tulay ng Kabataan Foundation na ginanap sa Manila Cathedral.
Paalala ni Cardinal Tagle sa mananampalatayang dumalo na sa pamamagitan ng binyag tayo ay naging Anak ng Diyos sa ngalan ni Hesus at kasama tayo ni Hesus sa kamatayan at muling pagkabuhay.
Bukod dito ay pinasalamatan ng Cardinal ang mga magulang dahil sa kanilang pagtugon ng pabinyagan ang kanilang mga anak upang maging bagong silang na mga anak ng Diyos, kapatid ni Hesus at maging pormal na kasapi sa mas malaking pamilya ang Simbahang Katolika.
“Palakihin ang inyong mga anak bilang mabuting tagasunod ni Hesus at mabuting miyembro ng Simbahan at pamayanan,” paalala ni Cardinal Tagle.
Hamon pa ni Cardinal Tagle sa mga magulang na palaguin at patatagin ang kanilang pananampalataya sa Diyos upang mabigyan ng wastong paggabay ang kanilang mga anak at lumaki bilang mabuting kasapi ng sambayanan.
Umabot sa 450 kabataan ang tumanggap ng sakramento ng binyag sa tulong ng Tulay ng Kabataan at tiniyak ni Fr. Matthieu Dauchez, executive director ng institusyon na paigtingin pa ang kanilang programa upang maabot pa ang mga kabataan sa mga mahihirap na komunidad.
Sa ginanap na stewardship summit ng Arkidiyosesis ng Maynila nitong Setyembre, layon nitong buwagin ang arancel system sa mga parokya o ang pagbibigay ng exact rate sa mga serbisyo ng Simbahan tulad ng pagtanggap ng mga sakramento.
Read: Pag-alis ng arancel system, ipapatupad ng Archdiocese of Manila
Hangarin din ng pagtitipon na maisulong ang diwa ng paglilingkod sa kapwa at maipakita ang pagiging misyonero ng Simbahang Katolika na lumilingap sa mamamayan.