428 total views
Iginiit ng isang pari na hindi matatawag na maunlad ang isang bayan kung nasasakripisyo ang mamamayan.
Ito ang tugon ni Rev. Fr. Edwin Gariguez, Executive Secretary ng CBCP NASSA/Caritas Philippines kaugnay sa pahayag ni Senator Francis Escudero na malaki ang epekto sa inflation ng pagsuspende ng Department of Natural Resources sa quarry operations sa bansa.
“Ang kaunlaran ay hindi masasabing kaunlaran kung ang mga tao ay nagsasakripisyo. Hindi natin pwede isakripisyo ang mga tao, lalo ang mga mahihirap para lamang sa kikitaing pera.” pahayag ni Fr. Gariguez sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng pari na mahirap isagawa ang responsableng pagmimina lalo dito sa Pilipinas na maging sa mga kabundukan ay may naninirahan tulad ng mga katutubo.
Sa pahayag ni Senator Escudero, ang pagsuspende sa quarrying ay magdudulot ng pagtaas ng presyo sa mga construction materials na makakaapekto sa Build Build Build Program ng Gobyerno.
Ang ipinatupad na suspension sa mga minahan at quarry sites ay kasunod ng mga pagguho ng lupa sa Itogon Benguet at Naga City sa Cebu na ikinasawi ng higit sa isandaang indibidwal habang marami ang nasugatan.
Paalala ni Fr. Gariguez sa mga mamumuhanan sa pagmimina at quarry na isaalang-alang ang kapakananan at karapatan ng kalikasan, maging ang mga taong nanganganib dahil sa banta ng pagkasira ng mga kabundukan.
Dahil dito, inilunsad ng Philippine Misereor Partnership Incorporated katuwang ang CBCP – NASSA/Caritas Philippines ang Rights of Nature Campaign na layong paigtingin ang kamalayan ng mamamayan sa karapatan ng kalikasan at protektahan ito sa mapanirang mga indibidwal.
Sa ensiklikal ng Kaniyang Kabanalan Francisco na Laudato Si, binigyang diin dito na tungkulin ng tao ang pangangalaga sa kalikasan upang ito ay mapapakinabangan ng susunod pang henerasyon.