2,040 total views
Ang Mabuting Balita, 29 Nobyembre 2023 – Lucas 21: 12-19
WALANG LAMAN
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
————
Kapag tayo ay naninindigan para sa mga turo ni Jesus, hindi natin kailangang siguruhin ang ating kapanatagan sapagkat ang PINAKAMAKAPANGYARIHANG Diyos ang siyang magpapanatag sa atin. Hindi natin kailangang alalahanin kung anong sasabihin natin o kung sapat ang ating pag-aaral upang malaman kung ano ang sasabihin, sapagkat hindi tayo ang magsasalita. Ang Espiritu Santo ang magsasalita sa pamamagitan natin. Ito ang dahilan kung bakit kapag tayo ay aktibo sa Apostolado, hindi tayo maaaring maging mayabang at magmalaki na tayo ay magaling sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos at sa iba pang mga gawain sa Simbahan. Ang Espiritu ay hindi makagagawa at makapagsasalita sa pamamagitan natin kung tayo ay puno ng ating sarili. Kailangang WALANG LAMAN ang ating mga puso upang ito ay mapunan ng Espiritu ng Diyos.
Panginoon, gamitin mo kami ayon sa iyong kalooban!