331 total views
Walang inaasahang magagawang pagbabago sa Hudikatura ang bagong hirang na Chief Justice ng Supreme Court na si Teresita Leonardo de Castro.
Ayon kay dating SolGen Florin Hilbay, may dalawang buwan na lamang mananatili sa posisyon si CJ De Castro na magreretiro sa Oktubre 18, 2018.
“Halos wala na po sa totoo lang kung ang tinitingnan natin ay yung mga Reporma na kailangang gawin ng mga punong Mahistrado bilang lider ng Hudikatura, yung 41 days ay kulang na,” ayon kay Florin Hilbay.
Ayon kay Hilbay sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, hindi rin maiaalis ang paniniwala ng marami na ang pagkakapili kay De Castro ay dahil na rin sa bahagi nito na mapatalsik sa posisyon si Ma. Lourdes Sereno na kilalang kritiko ng administrasyon.
“Parang may konting bahid ng dumi sa kaniyang kamay dahil nagbenefit siya sa isang desisyon na ang nangyari ay nagbukas ang posisyon na ngayon ay kaniya nang inuupuan. Parang may Conflict of Interest on her part. Kahit sabihin natin na Legally Qualified si De Castro para ma-appoint,” ayon kay Hilbay.
Itinanggi naman ni Hilbay na hindi naman batas na ipinapatupad ang ‘Seniority Rule’ sa pagpili ng pinuno ng Korte Suprema.
“Hindi naman. Dahil katulad ni CJ Panganiban hindi naman sya ang pinaka-senior noong siya ay na-appoint na punong mahistrado maging si CJ Davide. Sa tingin po ang mga mahistrado natin tatanggapin nila yung mga senior kahit hindi pinaka-senior. Minsan ang mga umaalma ay kung masyadong junior ang na-appoint kaya wala naman sa batas at kultura na ang pinaka-senior ang i-appoint,” paliwanag ni Hilbay.
Paglilinaw ng Malacanang ang pagpili kay Castro ay hindi bilang gantimpala, kundi pagkilala ng judicial professionalism sa pinakamatagal nang nagsilbi sa hudikatura.
Sa isang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, hinikayat nito ang bawat isa na maging pagpapakumbaba at iwaksi ang ‘Self Entitlement’ o pag-aangat sa sarili at pag-aasam ng higit na kapangyarihan.