3,634 total views
Ang paglutas sa mga suliranin na kinakaharap ng sektor ng agrikultura ang magiging mabisang paraan upang matugunan ng Pilipinas ang mga suliranin sa kahirapan at kakulangan ng pagkain.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila sa patuloy na pagharap ng ating bansa sa mga suliraning pang-ekonomiya.
Ayon sa Pari, sa tulong ng sama-samang pagtugon ng pamahalaan,mamamayan at buong lipunan sa suliranin ng agrikultura ay makakamit ng bansa ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain na magiging dahilan rin sa pag-ahon sa kahirapan maging ng mga magsasaka at mangingisda sa lipunan.
“Ang ating mga magsasaka at mangingisda sila po ang nagpapakain sa atin, sila ang nagpapalakas sa atin at nagpapahaba ng ating buhay, ang nakakalungkot, kung sino po ang nagpapakain sa atin ang siyang pinakamahirap na sektor, totoo po yan ang fisherfolks at farmers, naway magising po tayong lahat at maging responsable sa ating food crisis, suportahan po natin ang agri-sector,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Noong 2022 ay una ng naging pahayag ng Pari na sa pamamagitan ng Youth Servant Leadership Education Program ng Caritas Manila, mula sa limang libong YSLEP Scholars, isang libo sa bilang ang mga kumukuha ng agricultural related programs upang mahubog ang mga kabataan na maging susunod na tagapangasiwa at tagapagsulong ng agrikultura.
Ang mensahe rin ng Pari ay kaugnay sa mga naging paggunita ngayong linggo ng World Food Day at World Day for the Eradication of Poverty sa buong mundo.