195 total views
Kapanalig, sayang, malayo na sana ang narating ng Asya sa pagwaksi ng kahirapan. Noong 1999, bumaba ng 1.2 billion mula 1.5 billion noong 1990 ang bilang ng mga Asyanong nabubuhay sa sukdulang kahirapan. Mas bumababa pa ito hanggang 273 million na lamang noong 2015 noong matapos ang Millennium Development Goals.
Kaya lamang, parami na ulit ng parami ang naghihirap sa Asya at sa ating bayan ngayon. Halos binawi ng COVID-19 ang kaunlarang nakamit ng maraming mga Asyano ng mga nakaraang dekada. Ayon sa datos ng Asian Development Bank, 75 hanggang 80 milyong Asyano ang naitulak ng COVID 19 sa sukdulang kahirapan o extreme poverty. Maraming mga Asyano ang nagbabawas ng pagkain at nagbebenta na ng mga gamit para lamang makaraos ngayong pandemya. Marami kasi ang nawalan ng trabaho. Dito sa ating bansa, ayon sa opisyal na datos noong Hulyo, bumagsak ang labor participation rate sa 59.8% mula 65% noong Hunyo.
Kapanalig, kailangang mabigyan natin ng tutok na atensyon ang kahirapan sa bansa. Ang mga coping mechanisms na ginagamit ng maralita ngayon ay maaring malaki pa rin ang epekto sa hinaharap. Kahit pa umusad na ang ekonomiya ng bayan, marami pa ring mga kababayan natin ang maaring maiwan sa karalitaan dahil sa kanilang mga paraang ginawa upang makaraos. Halimbawa, kung nagbabawas sila sa pagkain ngayon, maaring ma-stunt o mapigilan ang growth o paglaki ng kanilang mga supling. Kung nagbenta man sila ng mga gamit para may panggastos, mababawasan sila ng kapital o kagamitan na magagamit nila sa pang-araw araw na buhay o miski sa negosyo.
Sa ganitong sitwasyon, nakikita natin ang importansya ng social protection. Kailangan may pantawid ang mga mamamayan para sa mga krisis na kanilang dinadanas sa buhay. Sa ibang advanced na bansa, may mas malaki at consistent na proteksyon ang mga mamamayan kapag bigla silang nawalan ng income o trabaho. Sa ibang bayan, may mga food for work program na makakaibsan ng gutom ng pamilya. Kailangan magawa ito sa ating bansa ngayon, kung hindi man ng nasyonal na gobyerno, maari sana sa lokal na gobyerno.
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay lagi tayong pina-aalahanan na huwag kalimutan ang mga mahihirap. Tinatanong tayo sa 1 Jn 3:17, “If someone who has the riches of this world sees his brother in need and closes his heart to him, how does the love of God abide in him?” Wala dapat iwanan, kapanalig. Lahat tayo ay magkaka-ugnay, kapanalig. Ang ating pagsulong ay hindi magiging ganap at makahulugan kung hahayaan nating hirap ang iba nating kababayan.
Sumainyo ang Katotohanan.