70,588 total views
Mga Kapanalig, bisperas na ng Pasko!
Naghahanda na ba kayo para sa inyong noche buena mamayang gabi? Anong pagkain ang inyong pagsasalu-saluhan? Mga tradisyunal na pagkaing Pilipino ba? O foreign cuisine ba–Italian gaya ng pizza, Chinese gaya ng dumplings, o Japanese gaya ng sushi?
Speaking of foreign, pumasá noong nakaraang linggo sa Kongreso ang panukalang batas na magpapahintulot sa mga foreign investors na umupa ng mga pribadong lupa sa Pilipinas nang hanggang 99 na taon. Masyado raw kasing restrictive ang kasalukuyang haba ng pagpapaupa na 50 taon lamang. Mas maaakit daw sa mahabang panahon ng pagpapaupa ng lupa ang mga dayuhang mamumuhunan, na magbibigay naman daw ng trabaho sa mga Pilipino at magpapalakas sa ating ekonomiya.
Umalma sa pagpasá ng panukalang batas si Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas. Aniya, ang pagpayag sa pag-upa nang hanggang 99 na taon ay para na ring pagmamay-ari ng lupa, lalo pa’t lampas ito sa average life expectancy ng isang tao, na nasa 73 na taon. Dagdag pa ni Brosas, may mga loopholes o butas ang panukalang batas na maaaring magdulot ng pagpaparenta kahit ng mga sakahang bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (o CARP). Malaking banta ito sa mga magsasaka, lalo’t ngayon pa nga lang, may mga nangyayari nang pagbawi ng mga sakahan upang paboran ang malalaking negosyo.
Isang halimbawa ang isyu ng mga katutubong Molbog sa isla ng Mariahangin sa Balabac, Palawan. Natalakay na natin ito sa mga nakaraang editoryal. Patuloy silang pinalalayas sa kanilang lugar at nakararanas ng karahasan mula sa mga tauhan ng mga negosyong pilit na pinapasok ang kanilang isla. Sa Negros Occidental naman, isang grupo ng mga magsasaka sa Hacienda Vicenta ang higit isang dekada nang naghihintay na mapasakanila ang lupa sa ilalim ng CARP. Kaso, kahit ipinagbabawal ng CARP ang pag-convert ng mga irrigated na lupa, inaprubahan noong 2020 ang land use conversion application ng orihinal na may-ari ng Hacienda Vicenta. Bagamat may patunay ang mga magsasaka na irrigated ang lupa, naisapinal na ang desisyon ng conversion.
Ikalulugod naman ng lahat ang pagdami ng mga trabaho sa bansa at paglago ng ekonomiya tungo sa pag-unlad ng mga mamamayan, gaya ng layunin ng panukalang batas. Pero hindi dapat ito mangyari nang may naaagrabyado. Iwasan dapat ang inilalarawan sa Isaias 5:8: “Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay at malawak na mga bukirin, hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao, at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.” Siguruhin dapat ng mga mambabatas na ang panukalang batas ay hindi hahantong sa pagkawala ng lugar ng mga Pilipino sa sarili nating bansa para lamang magkaroon ng espasyo ang mga negosyo ng mga dayuhan.
Mga Kapanalig, walang dapat maiwan sa kaunlaran. Gaya ng sabi sa Catholic social teaching na Populorum Progressio, masyado nang marami ang nagdurusa sa proseso ng pagkamit sa kaunlaran, at lumalawak lalo ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Pero, hindi rin natin sinasabing ang pagpigil sa kaunlaran ang solusyon. Magpatuloy pa rin dapat ang mga hakbang tungo rito, pero siguruhin dapat na hindi naisasantabi at naiiwanan sa pag-unlad na ito ang mga katutubo, magsasaka, at mga maralitang Pilipino.
Sumainyo ang katotohanan.