545 total views
Walang dapat na maiwan o maisantabi sa panawagan ng Santo Papa Francisco na Synod on Synodality.
Ito ang ibinahagi ni Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care sa isinasagawang talakayan ng Synod on Synodality ng Simbahang Katolika.
Sa online program ng kumisyon na may titulong “Narito Ako, Kaibigan Mo!” ay inihayag ng Obispo na kabilang ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo sa mga sektor na tinutukoy ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi dapat makalimutan.
“The word on synodality should be the cue dito, tinawag tayo ng Santo Papa to walk together in listening, in the spirit of listening to each other especially those on the peripheries,” pahayag ni Bishop Baylon.
Ibinahagi ng Obispo na may pambihirang pagkakataon ang mga naglilingkod sa prison ministry ng Simbahan upang makasama, mapaglingkuran at maipadama sa mga bilanggo na hindi sila naisasantabi sa lipunan sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan.
Tiniyak ni Bishop Baylon na patuloy na pagsusumikapan ng prison ministry ng Simbahan na maisulong at maiba ang pananaw ng lipunan sa mga PDLs na inasantabi at binabalewala dahil sa mga nagawang pagkakamali sa buhay.
“We have a special grace to say na kasama natin sila [those on the peripheries] kasi ang patuloy nating adbokasiya ang paglilingkod sa mga PDLs who are among the most distant, nasa laylayan. Karamihan sa kanila itinuturing na nasa labas na ng lipunan kasi marumi, basura, kriminal and we say na hindi kapatid natin sila. So patuloy nating gagawin ito with the hope that somehow it will make a difference,” dagdag pa ni Bishop Baylon.
Una nang ibinahagi ni Bishop Baylon na bahagi ng panawagan ng Santo Papa Francisco para sa pagsasakatuparan ng Synod on Synodality ay ang pakikipagkwentuhan at pakikipaglakbay sa mga sektor na nakakalimutan na.
Ayon sa Obispo, bukod sa pagpapadama ng pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkalinga sa mga bilanggo ay mahalaga ring maipadama sa mga ito ang kanilang patuloy na pagiging bahagi ng Simbahan.