1,899 total views
Nangako ang social arm ng Archdiocese of Manila na patuloy na gagampanan ang tungkuling matulungan ang nangangailangan lalo ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Tiniyak ni Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual sa paggunita ng ika-70 anibersaryo ng institusyon ang pagpapaigting sa sama-samang pagtutulungan upang maabot ang mga higit na nangangailangan.
“Tamang-tama naman ito sa tema ng Caritas Manila ‘yung social mission natin na walang naiiwang mga mahihirap, malnourished children, jobless people, maysakit na nasa laylayan, kasama lahat tayo sa paglalakbay. Sila ay dapat nating gabayan na mapalapit sa Diyos at magkaisa tayo sa simbahan para sa pagpapalaganap ng katarungan at pagmamalasakit sa kapwa lalong lalo na sa mga mahihirap.” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Fr. Pascual kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagbabahagi ng mga kaalaman at karanasan sa ginanap na unang yugto ng Synodality Conference na may temang Social Mission of the Church noong Agosto 12 sa Lay Formation Center, San Carlos Seminary, Guadalupe, Makati City.
Sinabi ng pari na malaking bagay ang mga ibinahagi ni Bishop David upang higit na maunawaan ng dumalong 300 volunteers ng Caritas Manila ang kahalagahan ng sama-samang paglalakbay tungo sa pagpapaigting ng pananampalataya at pagbibigay-pansin sa iba’t ibang pangyayari sa lipunan.
“Nagpapasalamat tayo kay Bishop Ambo David sa kanyang paglalaan ng panahon upang magbigay ng kanyang karunungan at karanasan sa synodality na itinutulak ngayon ni Pope Francis sa buong mundo na sama-sama tayong maglakbay sa pananampalataya at walang napag-iiwanan.” saad ni Fr. Pascual.
Isasagawa naman ang ikalawang yugto ng conference sa Agosto 21 kung saan ang magiging tagapagsalita ay si CBCP-Office on Stewardship chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo.
Inaasahang ibabahagi ni Bishop Pabillo ang mga karanasan sa pagtataguyod ng synodality sa Apostolic Vicariate of Taytay, at ang pagkalinga sa mga mahihirap na pamayanan sa lalawigan ng Palawan.
Sa mga nais namang makibahagi sa Synodality Conference, makipag-ugnayan lamang sa Caritas Manila sa numerong 8562-0020 hanggang 25 local 131, para sa karagdagang detalye.
Unang kinilala bilang Catholic Charities, ang Caritas Manila na itinatag noong Oktubre 1953 sa pamamagitan ng noo’y Arsobispo ng Maynila na si Rufino Cardinal Santos.
Tema ng anibersaryo ng social arm ng Archdiocese of Manila ang “Pitong Dekada ng Paglalakbay Kasama si Kristo para sa mga Mahihirap”.