308 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, nagdeklara ng military operation si Russian President Vladimir Putin sa bansang Ukraine. Aniya, ginawa niya ang hakbang na ito hindi upang okupahin o sakupin ang hilagang rehiyon ng Ukraine kundi upang pahinain daw ang militarisasyon at tanggalin ang pagiging “maka-Nazi” ng mga mamamayan sa lugar na iyon. Ngunit ayon sa mga eksperto, ang ginawang ito ng Russia ay bilang ganti sa planong pagsali ng Ukraine sa North Atlantic Treaty Organization (o NATO), ang alyansa ng mga pwersang militar ng 30 bansa sa Europa at Amerika, at ang paglapit ng mga sundalo ng NATO sa boundary ng Russia.
Ito ang unang pagkakataon mula noong World War II na lumusob ang isang bansa sa Europa sa isang karatig-bansa. Ngunit bago pa man ito, nakaranas na ng walong taóng pakikipaggiyera ang mga Ukrainians sa mga Russians. Ang pagsakop ng Russia ay magkakaroon ng epekto sa mga mamamayan ng dalawang bansa. Tiyak din ang magiging epekto nito sa mga karatig na bansang naghahanda na rin ngayon sa maaaring pagdating mga refugees na tatakasan ang banta ng giyera sa kanilang buhay at pamilya. Sa mga bansang Lithuania at Moldova, halimbawa, libu-libong babae at bata na ang pumasok sa kanilang bansa.
Bagamat sinabi ng NATO na wala itong planong magpadala ng mga sundalo sa Ukraine mismo upang makipagdigma, nag-alok ito sa Ukraine ng payong-militar, mga armas, at tulong sa mga ospital. Sa kasalukuyan, 5,000 sundalo na ng NATO ang nakaposisyon sa iba’t ibang bahagi ng silangang Europa sakaling lumala ang sitwasyon. Kinundena na rin ng mga lider sa iba’t ibang bansa ang pagsakop ng Russia sa Ukraine. May ilan nang kinontrol ang mga transaksyon nila sa Russia bilang pahiwatig ng hindi nila pagsang-ayon sa ginawa ng dating Soviet Union. Halimbawa, nilimitahan na ng mga bansang kasapi ng European Union ang pag-access ng Russia sa merkado at sa mga bagong teknolohiya. Ipinagpaliban naman ng pamahalaang Germany ang pagbubukas ng isang gas pipeline ng Russia, habang ang pamahalaang United Kingdom ay nagsabing hindi maaaring lumapag sa kanilang mga paliparan ang flag carrier o eroplano ng Russia.
Malayo man ang Pilipinas sa mga bansang ito sa Europa, hindi maitatangging mahalagang usapin pa rin para sa atin ang lumalalang karahasan doon. Hinimok ng Department of Foreign Affairs (o DFA) ang mga kababayan nating nasa Kjiv, ang kapitolyo ng Ukraine, na makipag-ugnayan sa ating embahada roon sakaling kailangan nila ng tulong upang makauwi sa ating bansa o kung naghahanap sila ng ligtas na mapupuntahanan. Sinabi ng DFA na prayoridad nito ang paglikas ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa Ukraine. Maaari ding magdulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa pandaigdigang merkado ang alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine. At kung mangyari ito, tataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ngayong Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday, ang simula ng apatnapung araw na panalangin, pag-aayuno at pagninilay-nilay nating mga Katoliko bilang paghahanda sa Semana Santa, hinihimok tayo ni Pope Francis na mag-ayuno at manalangin para sa ikapapayapa ng sitwasyon sa Ukraine. Sinabi pa ng Santo Papa na nagdudulot sa kanya ng pagtinding kalungkutan ang alitan sa pagitan ng dalawang bansa at ang hindi pagkilala sa pandaigdigang kasunduan. Dasal niyang tingnan ng mga lider ng bansang ito ang kanilang konsensya sa harap ng Diyos upang makita ang bigat ng epekto ng kanilang mga hakbang.
Mga Kapanalig, sa halip na karahasan, ang kailangan natin ngayon ay magbigayan ng kabutihan. Sabi nga sa 1 Pedro 3:9, “Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos.”