269 total views
Mga Kapanalig, masalimuot na isyung panlipunan ang repormang agraryo. At sa isang bansang katulad ng Pilipinas, kung saan marami pa ring nakasalalay ang kabuhayan sa pagsasaka, mahalaga ang mga repormang ito dahil ang mga karapatan nila ang nakasalalay sa mga ito. May mga batas nang naipatupad at programang itinatag upang maiwasto ang mga maling balangkas na naglulugmok sa maraming magsasaka sa kahirapan habang ang mga may-ari ng malalawak na pribadong lupain ay namumuhay nang mariwasa, ngunit marami pang kailangang gawin.
Ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, na sinumulan nang manungkulan si Pangulong Cory Aquino, ay naglayong ipamahagi ang mga lupang sakahan sa mga magsasaka at manggagawa sa mga taniman. Target ng programang ipamahagi sa loob ng 10 taon ang aabot sa mahigit 7 milyong ektarya ng lupa sa mga kuwalipikadong magsasaka. Pinalawig ang CARP nang sampu pang taon, at muling na namang na-extend hanggang 2014. Ngunit dahil marami sa mga mambabatas ay mula sa mga pamilyang may-ari ng ekta-ektaryang lupain, hindi nila naging prayoridad ang paglalaan ng sapat na pondo sa repormang agraryo. Samantala, sa loob ng ilang dekadang pagpapatupad ng CARP, naging magkakaiba ang estratehiya ng mga grupong magsasaka upang makamit ang layunin ng repormang agraryo.
Dalawang Sabado na ang nakalipas nang maganap ang pagpapasabog ng New People’s Army sa barracks ng Lapanday Food Corporation sa Davao del Norte. Sinasabing paghihiganti ito sa sapilitang pagpapaalis sa mahigit 150 kasapi ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Association (o MARBAI) mula sa plantasyon ng saging, dahil ayaw kilalanin ng kumpanya ang utos ng Department of Agrarian Reform (o DAR) na pabalikin ang mga magsasaka sa lupang kanilang inaangkin. Tatlong tao ang nasugatan sa insidente.
Sampung taon naman na ang nakararaan, ang mga magsasaka mula sa Sumilao, Bukidnon ay naglakad nang 1,700 kilometro mula sa kanilang bayan hanggang sa Maynila upang ipaglaban ang 144 ektaryang lupang nais nilang maipamahagi sa pamamagitan ng CARP. Nagtagumpay ang mga magsasaka at nagbunsod ito ng pagpapalawaig ng CARP. Sa pagkilos na ito, walang dumanak na dugo.
Sa lente ng mga panlipunang turo ng Simbahan, ang repormang agraryo ay isang instrumento upang ang sinumang may pribadong pag-aari o private property, katulad ng lupa, ay hindi inaabuso ang kanyang karapatang magmay-ari. Sa Gaudium et Spes, sinabi ni Pope Paul VI na inilaan ng Diyos ang daigdig at ang lahat ng mga nilalaman nito para sa lahat ng tao at lahat ng mga lahi upang makatarungang pagbahagi-bahaginan ang lahat ng mga bagay na nilalang, sa ilalim ng paggabay ng katarungang may kaakibat na pagmamahal. Kinikilala ng Simbahan ang pribadong pag-aari dahil makatwiran at mahalaga ito sa pagtataguyod at pagpapalawak ng kalayaan ng tao, ngunit nagtatapos ito sa hangganan ng karapatan ng iba upang makatulong sa kanilang mabuhay nang may dangal.
Ngunit may pagkiling din ang Santa Iglesia sa mga kaparaanan ng pagtataguyod ng dignidad ng tao at ng kapakanan ng mga mahihirap na hindi marahas, hindi nakasasakit sa kapwa, hindi nakapamiminsala sa buhay. At nakita na nga natin sa usapin ng repormang agraryo, posible at epektibo ang mga mapayapang estratehiya sa pagtataguyod ng karapatan ng mga magsasaka. May ibang paraan ng pagkamit ng panlipunang katarungan at kabutihan ng lahat maliban sa paggamit ng karahasan, at ito ay ang kaparaanan ng pag-ibig.
Sa ilalim ng administasyong Duterte, may nakikitang malaking oportunidad ang mga grupo ng mga magsasaka na gawing mas epektibo ang repormang agraryo dahil ang namumuno ng DAR ay mula sa uring magsasaka. Nangako siyang magpapatupad ang ahensya ng programang magdudulot ng tunay na repormang agraryo at babasag sa kontrol at monopolyo ng mga may-ari ng malalaking lupain at korporasyong aniya’y nagsasamantala sa mga magsasaka. Unti-unti pa itong binubuo, ngunit dasal natin, mga Kapanalig, na makatutulong itong maiwasan ang karahasang kapahamakan lamang ang ibinubunga.
Sumainyo ang katotohanan.