176 total views
“Walang Oplan Tokhang sa Batanes.”
Sa kanyang personal na kaalaman, ayon kay Prelatura ng Batanes Bishop Camilo Gregorio, hindi nakarating sa kanila ang kampanyang ito ng pamahalaan laban sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Labis namang nagpapasalamat ang obispo dahil sa malinis ang kanilang lugar mula sa droga na nagsimula bago pa ang halalan doon kaya’t hindi na umabot ang operasyon ng pulisya kaugnay ng bawal na gamot.
“Walang Tokhang, thanks God di umabot sa amin yun before the elections pa, dinidiscourage na ang drugs kaya di na nangyari sa amin yun,” ayon kay Bishop Gregorio sa panayam ng Radyo Veritas.
Simula ng maluklok sa puwesto si President Duterte noong July 1, nasa higit 1,300 na ang napapatay ng pulisya sa kanilang operasyon laban sa operasyon ng ilegal na droga buong bansa kung saan dalawang beses na mas malaki naman ang kaso ng extrajudicial killings.
Una ng inihayag ng Santo Papa Francisco na ang lahat ay may karapatang magbago lalo na ang mga nalululong sa bawal na gamot subalit kinakailangan ang suporta sa kanila ng lipunan at ng kanilang pamilya para sa tuluyan nilang paggaling na makatutulong sa pag-unlad ng kanyang sarili maging ng komunidad.
Samantala, aminado ang obispo na malaking negatibong impluwensiya ngayon ang teknolohiya dahil kung ano ang napapanood at naririnig ng tao ito na ang kanilang ginagawa kahit ito ay masama.
Aniya, nang dahil din sa teknolohiya, mas ninanais na ng mga taga Batanes na lumabas ng isla at makipagsapalaran sa ibang lugar.
“Ang nangyayari kasi ang influence ng technology, gaya ng TV, nahahaluan ng di magandang values na, wrong signal ang tawag natin, nakikita kasi nila sa TV akala yun na ang tama. For example nakikita noon before they going to school, pumanhik sila ng bundok, nagpapakain ng mga hayop, binibisita ang mga isla ngayon wala na… ang idea o hangarin nila now always to go out of the islands,” ayon pa sa obispo.