252 total views
Ito ang paalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mananampalataya, sa kanyang Homiliya sa Novena mass para sa kapistahan ni Pope St. Pius X, sa Pius X Parish, Onyx, Paco, Manila.
Ayon kay Kardinal Tagle, nais ni Hesukristo na baguhin ang bawat tao, sa pamamagitan ng kanyang awa at habag.
Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na hindi dahil nagkasala ang isang tao ay kinakailangan na agad itong parusahan at patayin.
Inihalimbawa ng Kardinal ang kuwento sa Ebanghelyo kung saan pinatawad ng amo ang kanyang utusan na may malaking utang.
Gayunman, sinabi ni Kardinal na kung minsan tayong mga tao ay nagiging tulad ng utusan na nang aabuso naman sa kanyang kapwa at nakalilimutang tularan ang pagiging mapagpatawad ng Diyos.
“Pinatawad kita tapos yung iba na humihingi ng tawad sa iyo hindi mo pinatawad, nakalimutan mo na ba? D’yan nagsisimula ang pagrerebelde at kawalan ng habag. Pag-kalimot – nakalimutan na papano tayo minahal ng Diyos, pinatawad ng Diyos, at kapag nakalimot, hindi na magpapatawad sa kapwa,” pagninilay ni Cardinal Tagle
Sinariwa din ni Kardinal Tagle sa kanyang Homiliya ang unang Death Anniversary ni Kian Delos Santos.
Inihalintulad ng Kardinal si Kian sa utusang nagmakaawa at humingi ng tawad subalit hindi siya nabigyan ng pagkakataon at sa halip ay pinaslang.
“Ngayon po ang unang anibersaryo ng pagkapatay dun sa batang si Kian na pinatay sa Kalookan, na nagmamakaawa, Tama na po, may test pa ako bukas. Kapag nawalan ng awa, ang buhay ng kapwa, wawaldasin. Sabihin na na merong pagkakamali, wala na bang awa para sa nagkamali? At saan tayo makakakita ng tao na hindi nagkamali kahit minsan? Anong gagawin natin? Bawat nagkakamali sasaktan? walang matitira sa atin dito.” Bahagi ng Homiliya ng Kardinal.
Iginiit ni Cardinal Tagle na ang ganitong uri ng pag-iisip ang siya ring pumapatay sa pag-asa ng pag-unlad sa lipunan.
Aniya, ang lipunang walang awa ay walang pag-asa at sa ganitong prinsipyo ay walang lugar ang sinuman sa mundo.
“Ang lipunan na walang awa, walang pag-asa. Nasa atin ang mamili, gusto ba natin ng may pag-asa o tayo’y mamuhay sa kadiliman na hanggang d’yan nalang tayo at ang nagkakamali, walang lugar sa mundong ito. At kapag yun ang prinsipyo natin walang lugar para kahit kanino.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, hinimok ng Kardinal ang mga mananampalataya na tularan si Pius X na magpanibago ng buhay at magpatawaran ng mga hinanakit, paghihiganti at galit sa puso.
Sinabi ng Kardinal na sa ganitong paraan ay mabibigyan ng bagong pagkakataon at bagong buhay ang taong pinatawad at matatamasa naman ng taong nagpatawad ang kapayapaan sa kanyang kalooban.