151 total views
Hinimok ng Philippine Movement for Climate Justice ang bawat Filipino na makiisa sa Season of Creation sa pamamagitan ng pagbabalik sa kanilang pananampalataya, at alalahanin ang kahalagahan ng bawat nilalang ng Panginoon.
Ayon kay Ian Rivera National Coordinator ng PMCJ sa pamamagitan ng paggamit sa encyclical on Environment na Laudato Si bilang background sa pangangalaga sa kalikasan ay maaalala ng bawat tao ang kanilang tungkulin na dapat gampanan sa sangnilikha.
“Ang usapin dito ay nakapatungkol sa Season of Creation, malaking usapin na babalikan ang laudato si at ang usaping ito [sa kalikasan] ay hindi sana magiging problema o komplikado kung ang lahat ay tinataguyod at palaging binabalikan ang ating pananamapalataya na lahat ng ating buhay ay nagsisimula sa isang malaking maykapal na Diyos,” pahayag ni Rivera sa Radyo Veritas.
Samantala, tiniyak ni Rivera na magpapatuloy ang pagtutulungan ng mga non-government organizations sa simbahan upang mas mapaigting ang pangangalaga sa kalikasan.
Matatandaang bago pamunuan ni Secretary Gina Lopez ang Department of Environment and Natural Resources ay inihayag nitong gagamitin niya ang Laudato Si bilang panuntunan sa pangangalaga sa kalikasan at sa mamamayan.
Kaugnay nga dito, batay sa isinagawang mining audit ng DENR simula nitong Agosto, umabot na sa sampung minahan ang nasuspinde ng ahensya dahil sa labis na pagkasira ng komunidad na kinatatayuan ng mining operations.