191 total views
Tiniyak ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na susunod ito sa panawagan ng Kaniyang Kabanalan Francisco na protektahan ang mga kabataan lalo na ang mga menor de edad.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP – ECMI), nangunguna ang kanilang komisyon katuwang ang iba’t-ibang pananampalataya sa paglaban sa mga pang-aabuso at pananamantala sa mga kabataan.
“We, at CBCP-ECMI, heed the call of our Holy Father to protect children. CBCP ECMI is proponent and lead convenor among interfaith groups against online sexual exploitation of children. We coordinate with different government offices against human trafficking,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Pinaiigting ngayon nang Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking (PIMAHT) ang mga programang makatutugon sa dumadaming kaso ng Online Sexual Exploitation of Children sa Pilipinas.
Pinaniniwalaan ng PIMAHT na kahirapan ang ugat sa pagdami ng kaso ng pang-aabusong sekswal sa mga kabataan lalo na sa internet.
CLERGY ABUSE
Iginiit ni Bishop Santos na maging ang mga lingkod ng Simbahan na mapatutunayang nang-aabuso sa mga kabataan ay marapat managot sa batas.
“Even within the church, no sacred cows, those who abuse children, we take necessary measures to protect them and promote their rights, much more prosecute victimizers. The church sides and stands primary for children,” dagdag pa ng Obispo.
Una nang tiniyak ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ang chairman ng Episcopal Commission on Clergy na hindi tumitigil ang Simbahan sa pagpapatupad ng mga reporma tulad nang ‘Spiritual at Moral reform’ sa mga Pari na nasasangkot sa pang-aabuso.
Magugunitang sa isinagawang February Summit on Sexual Abuse sa Vatican na Protection on Minors tinalakay dito ang mga hakbangin na mahinto ang pang-aabusong sekswal sa mga kabataan.
Inihayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na ito ay isang patunay na hindi tinatalikuran ng Simbahan ang mga eskandalong kinasangkutan ng mga Pari.
Sa nasabing pagtitipon na dinaluhan ng higit 100 pangulo ng Episcopal Conferences kabilang si Davao Archbishop Romulo Valles, ang pangulo ng CBCP, binigyang diin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na isa sa tagapagsalita sa pagtitipon.
Una nang hinatulang nagkasala ng hukuman si US Cardinal Theodore McCarrick at Australian Cardinal George Pell dahil sa kaso ng pang-aabuso.
Kasalukuyang nahaharap sa kasong panggagahasa sa isang apat na taong gulang na bata ang isang Pari sa Cadiz City Negros Oriental kung saan tiniyak ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na haharapin ng Pari ang kaso.
Ang akusadong pari ay isinasailalim sa pastoral care bilang paghahanda sa kaniyang sarili sa pagharap sa kaso at pag-uusig ng hukuman.
PANAWAGAN SA PUBLLIKO
Nanawagan naman si Bishop Santos sa mamamayan partikular sa mga magulang na tiyaking ligtas ang kanilang mga anak at huwag hayaang malantad sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa lipunan.
Kasabay nito ang pagkilala sa mga magulang na binibigyang pahalaga ang kanilang mga anak tulad ng mga paghuhubog tungo sa pagiging mabuting mamamayan.
“We call on our lay faithful to do these for their children: keep them safe, give them stable shelter and make them successful in life. We are grateful and appreciate their sacrifices and services in order to give the best for their children and prepare them for better future,” ani ni Bishop Santos.