687 total views
Ang Mabuting Balita, 27 Oktubre 2023 – Lucas 12: 54-59
WALANG SAYSAY
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong makapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at gayun nga ang nangyayari. At kung umihip ang hanging timog ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakagayon nga. Mga mapagpaimbabaw! Marunong kayong bumasa ng palatandaan sa lupa’t sa langit, bakit hindi ninyo mabasa ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?
Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid? Kapag isinakdal ka sa hukuman, makipag-ayos ka sa nagsakdal habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
————
Maaaring tayo ay kabilang sa mga nais laging maabot ang tagumpay – maraming mga “degrees,” mga tanyag sa ating propesyon, mga dalubhasa at kilala sa buong mundo sa isang larangan, ngunit kung hindi natin nais na maabot ang tagumpay sa ating ugnayan sa Diyos, ang ating mga pagsisikap ay humigit-kumulang, WALANG SAYSAY. Ang buhay espirituwal ang magbibigay ng malalim na kahulugan sa ating mga tagumpay. Ang buhay espirituwal ang magbibigay ng misyon sa mga bagay na ating ginagawa, tulad ng mga doktor na taos-pusong nagnanais na pangalagaan ang buhay; mga abogado na taos-pusong nagnanais na ipagtanggol ang mga taong naparatangan ng mali; mga siyentipiko na taos-pusong nagnanais na mahanap ang iba pang mga bagay na nilikha ng Diyos; mga guro na taos-pusong nagnanais na magturo sa mga mag-aaral ng mga bagay na huhubog ng kanilang mga isip upang marating nila ang kagalingan; atbp..
Habang tayo ay naririto pa, gamitin natin ang pagkakataong tulungan ang mga tao na mapalalim ang kanilang buhay espirituwal, na makita at maranasan nila ang mga simpleng bagay na mahalaga sa buhay.
Panginoon, nawa’y gabayan kami ng iyong Espiritu sa t’wing ginagamit namin ang mga kakayahang ibinigay mo sa amin!