507 total views
September 28, 2020-12:48pm
Kinilala ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga layko sa Simbahan.
Ayon kay Daet Bishop Rex Andrew Alarcon-chairman ng CBCP– Episcopal Commission on Youth, mahalaga ang partisipasyon at tungkulin ng mga layko sa pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan na patuloy na maipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Hinamon naman ng Obispo ang mga layko na hikayatin ang mga kabataan na maging aktibo sa Simbahan lalu na sacl nararanasang COVID-19 pandemic.
Aminado si Bishop Alarcon na higit na kailangan ang partisipasyon ng mga kabataan sa Simbahan dahil mas lantad sa panganib sa corona virus disease ang mga nakakatanda.
“Ako personally I recognize the indispensable role of the laity na without them, without the laity what is the Church. Due to recognize the role also and at the same time to challenge them to be able to encourage the younger once the youth, those beyond youth that are still able to go out and then continue to harness our potential role to assist people especially during this pandemic and to continue the mission in the midst of this pandemic in bringing the good news and uplifting life…” pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radio Veritas.
Inihalimbawa ni Bishop Alarcon si San Lorenzo Ruiz na kauna-unahang Filipinong Santo na nagsimulang magsilbi sa Simbahan noong kanyang kabataan bilang isang sakristan sa Binondo.
Nilinaw naman ng Obispo na sa kabila ng pagsusulong sa aktibong partisipasyon ng mga kabataan sa Simbahan ay hindi parin magtatapos ang papel ng mga nakatatandang layko sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahan at ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagbabahagi ni Bishop Alarcon, tulad ng tinuran ng Kanyang Kabanalan Francisco mahalaga ang malawak na kaalaman at karanasan ng mga nakatatanda upang magsilbing gabay ng mga kabataan sa pagpapatuloy sa kanilang mga nasimulan.
“It doesn’t mean na matatapos na yung contribution nung mga senior leaders natin, in fact yung sinasabi nga ni Pope Francis we need their wisdom but we also must be practical and it is also needed that you know who are able to go out sana ay ma-tap pa natin, I know that there are many limitations as we speak,” paalala ni Bishop Alarcon.
Ang Kapistahan ni San Lorenzo Ruiz na pintakasi ng mga Pilipino at mabuting huwaran ng mga asawa at ama ng tahanan ay ipinagdiriwang tuwing ika-28 ng Setyembre.
Nauna ng inihayag ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na ang mga layko ay lahat ng mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.
Nagsimula ang paggunita ng National Laity Week sa Diocese of Pasig noong ika-20 ng Setyembre na ipinagpatuloy sa Archdiocese of Lipa at nagtapos sa Archdiocese of Cebu noong ika-26 ng Setyembre.
Tema ng National Laity Week ngayong taon ang “Shema: Dinggin ang Daing ng Inang Kalikasan; Dinggin ang Pagtangis ng Maralita; Dinggin ang Tawag at Pangako ng Pagkakabuklod-Buklod” bilang pagbibigay halaga sa kalikasan at sa pamayanang labis na naapektuhan ng pandemya.