39,898 total views
Mga Kapanalig, pansin niyo ba ang paglalâ ng traffic ngayon? Siguro, iba’t ibang paraan na ang ginagawa ninyo para hindi maipit sa traffic, gaya ng hindi pagbiyahe kapag rush hour, pagsakay sa tren o sa motorcycle taxi imbis na magsasakyan o mag-taxi, o kaya ay pagdaan sa mga alternatibong ruta.
Kaso, gaya ng ilang beses na ring nangyari, may mga gumagamit din ng mga daanang laan lamang para sa mga bus. May nahuli na naman noong nakaraang linggo dahil sa ilegal na pagdaan sa EDSA bus lane sa pagtangkang umiwas sa traffic. Sa isang video na nag-viral sa social media, nakita ang isang puting sasakyan na nagmamadaling umatras para takasan ang isang traffic enforcer na muntik na rin daw masagasaan. Habang tumatakas ang sasakyan, nakita rin daw ang pasahero nitong sumenyas nang bastos sa enforcer.
Ang pinakanakagugulat na detalye sa insidenteng ito ay ang pagkakaron ng sasakyan ng protocol plate na number 7. Ito ay isang espesyal na plakang maaari lang gamitin ng mga senador sa mga sasakyang nakarehistro o kaya naka-assign sa kanila.
Ilang araw matapos ang insidente, humarap sa press briefing ang drayber ng puting sasakyan, na nakarehistro sa Orient Pacific Corporation, isang pribadong kumpanya. Isinaad ng drayber na hindi niya kilala ang pasahero na bumisita lang daw sa pinapasukang kumpanya. Dumaan daw sila sa bus lane hindi dahil may nag-utos sa kanya kundi dahil masakit ang kanyang tiyan. Hindi rin daw niya alam kung sino ang naglagay ng protocol plate sa sasakyang minaneho niya.
Tumanggi rin ang direktor at abugado ng Orient Pacific Corporation na pangalanan ang may-ari ng kumpanya. Pero lumabas sa mga dokumentong nakuha ng media mula sa Securities and Exchange Commission na nakalista bilang mga opisyal ng kumpanyang ito ang mga kamag-anak ni Senador Sherwin Gatchalian. Konektado man sa senador o hindi ang insidenteng ito sa EDSA bus lane, isang paalala itong hindi mas mataas kaysa sa batas ang sinuman, kahit ang mayayaman at mga makapangyarihan.
Ang pagkasakit ng tiyan ng drayber ay hindi sapat na dahilan para muntik na sagasaan ang enforcer nang mahuli siya sa paggamit ng bus lane. Hindi rin tama ang iniasal ng pasahero sa enforcer habang sila ay tumatakas. Baluktot ang pag-iisip na pwedeng dumaan sa bus lane ang mga sasakyang may protocol plate. At kung totoo ang nakalap na impormasyon ng media tungkol sa may-ari ng sasakyan, maling-mali ang paggamit ng isang pribadong indibidwal ng protocol plate ng isang senador dahil lamang magkapamilya sila.
Bagamat nakumpiska na ang lisensya at nabigyan ng violation ticket ang drayber, tiyakin din dapat ng pamahalaan na mananagot ang mga nagpahintulot sa pribadong kumpanya na gamitin ang protocol plate ng isang senador. Ang pagbibigay ng special treatment sa isang tao dahil sa kanyang mataas na katungkulan o estado sa buhay ay isang “pagkakasala,” gaya ng sabi sa Santiago 2:9.
Mga Kapanalig, sa ilalim ng batas, walang dapat nakalalamáng sa iba. Nakasulat sa Katesismo ng Simbahan na lahat tayo ay napapailalim sa batas, at ang ating pagkakaroon ng kalayaan ay hindi dapat dahilan sa ating paggawa ng mali. Tinatawag tayong lahat na sumunod sa batas at matutong magpakumbaba at akuin ang ating mga pagkakamali.
Sumainyo ang katotohanan.